Dalawang unyon ang matagumpay na nagpinal ng kani-kanilang collective bargaining agreement (CBA) noong Hulyo at Agosto.
Inianunsyo ng Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Philippines Inc.(UPGBPI-OLALIA-KMU) ang tagumpay sa kanilang pakikipagnegosasyon para sa bagong CBA noong Hulyo 18.
Nakamit ng unyon ang ₱70 dagdag sahod kada taon para sa susunod na tatlong taon, dagdag na ₱0.50 sa seniority pay, ₱20,000 signing bonus, ₱7,500 na lump sum, ₱80 meal allowance na may dagdag na ₱35 kapag obertaym, at dagdag na “leave credits” para sa mga manggagawang mahigit 15 taon na sa pabrika.
Naitulak din ng unyon ang maneydsment na ibigay sa mga manggagawa ang dagdag na sahod (retroactive) para sa mga buwan ng Oktubre 2024 hanggang Hunyo ngayong taon.
Samantala, inanunsyo noong Agosto 13 ng University Hotel Worker’s Union-KMU NCR na napirmahan din ang bagong CBA sa pagitan nito at ng maneydsment ng hotel sa loob ng University of the Phillipines-Diliman sa Quezon City.
Ilan sa napagtagumpayan pa sa CBA ang dagdag benepisyo at alawans na makatutulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng manggagawa.











