Taong simbahan, nanawagan ng pagtigil sa malawakang pagmimina sa Abra

Naglabas ng pahayag ang Diocese ng Bangued noong Agosto 19 upang kundenahin ang malawakang pagmimina sa Licuan-Baay, Abra.

Ayon sa diosesis, nakakuha ng permit na ‘authority to verify minerals’ ang Yamang Mineral Corporation (YMC) mula sa Mines and Geosciences Bureau nang walang free, prior and informed consent (FPIC)) mula sa mga katutubo. Labag ito sa tamang proseso, at sa pundamental na karapatan at dignidad ng mga katutubo.

Noon pang 2024 naglunsad ang YMC ng eksplorasyon ng mga mineral sa Abra. Sakop ng proyekto nito ang 16,187 ektarya ng lupain sa munisipalidad ng Sallapadan, Lacub, Malibcong at Licuan-Baay para sa pagmimina ng ginto, tanso, molybdenum at iba pang mineral.

Bilang pagtutol ng mga katutubo sa planong pagmimina ng kumpanya, hinarang ng mga residente ng Barangay Ududiao sa Salladapad ang pagpasok ng mga gamit sa eksplorasyon ng YMC sa kanilang lugar noong Hunyo 10, 2024. Kapansin-pansin din ang pagtatanggol ng militar sa mga gamit ng kumpanya.

“Ang malawakang pagmimina ay sumisira sa lupa, lumalason ng katubigan, naglalagay sa peligro ng kalusugan, at sumisira sa kabuhayan ng mamamayan. Hindi nito kayang maibalik sa dati kung anuman ang masira. Hindi kayang tumbasan ng pandandaliang kita sa pangmatagalang halaga ng malinis na ilog, matabang lupa, malusog na komunidad at buhay na kultura,” paliwanag ng mga pari.

Nananawagan ang mga pari sa lahat ng upisyal at ahensya ng gubyerno na kumilos na may tapang at integridad, na ipatupad ang batas, protektahan ang likas na yaman, ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan.

“Nananawagan kami sa lahat ng Abreno na tumindig at protektahan ang nilikha ng diyos” pahayag ng mga pari.

Ang YMC ay isang subsidyaryo ng kumpanyang FCF Minerals Corp. na nakabase sa London.

Source link