Mga mandirigma ng MILF, inatasan huwag pumaloob sa decommissioning ng GRP

Inatasan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang lahat ng mga mandirigma nito sa Bangsamoro Islamic Armed Forces at iba pang ahensya na mahigpit na tumalima sa resolusyon ng Komite Sentral ng MILF na nagsuspinde sa implementasyon ng proseso ng pag-dekomisyon ng BIAF.

Ayon sa kautusang kagyat na magkakabisa, “walang kumander ng larangan, kumander ng base, itinakdang deputadong kumander o pinuno ng ibang ahensya at kanilang mga kinatawan, ang lalahok sa anumang aktibidad para sa decommisioning o normalisasyon na unilateral na inorganisa ng gubyerno at ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, nang walang naunang nakasulat na pahintuloy o awtorisasyon mula sa tagapangulo ng Moro Islamic Liberato Front,” nakasaad sa Memorandum Order No.037 ng Komite Sentral ng MILF na may petsang Agosto 16.

Babala ng kautusan, ang hindi pagsunod ay ituturing na “seryosong paglabag sa disiplina ng kumand” at sinumang di tatalima ay posibleng mahaharap sa aksyong administratibo at pandisiplina.

Isinuspinde ng MILF ang proseso ng decommissioning sa natitirang mandirigma ng BIAF dahil sa kapalpakan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas na tuparin ang maraming probisyon na dapat kasabay ng prosesong disarmament, demobilization at reintegration (DDR) at decommissioning o pormal na pag-atras at pagbubuwag ng mga kombatant nito. Pangunahing dito ang pagpapatupad ng mga sosyo-ekonomikong proyekto para sa mga na-dekomisyon nang mga mandirigma. Ayon sa MILF, “wala ni isa” sa mga mandirigmang nagsalong na ng armas ang matagumpay na “nagtransisyon sa produktibong buhay sibilyan” dahil ang mga rekisito para rito ay hindi natupad, liban sa ibinigay na ₱100,000 kada mandirigma.”

Source link