Patuloy na pagtatanim ng Golden rice sa Bicol, kinundena ng mga magsasaka

Labing-dalawang taon na ang nakalilipas nang sama-samang bunutin ng mga magsasakang Bikolano ang may lasong “Golden Rice” sa experimental station sa loob ng Department of Agriculture-Region 5 sa bayan ng Pili, Camarines Sur.

Bahagi ang pagbunot ng mga palay sa pandaigdigang pagtutol sa Golden Rice at iba pang GMO o genetically modified crops noong Agosto 8, 2013.

Noong 2023 naghain ng Writ of Kalikasan at Writ of Continuing Mandamus ang Supreme Court na nagbabawal sa komersyal na pagpapalaganap ng Golden Rice at Bt Talong.

Sa kabila nito, tuloy-tuloy ang pagtatanim ng Golden Rice sa bayan ng Viga, San San Andres at Virac sa Catanduanes at mismo sa loob ng Philrice sa Ligao City sa pangunguna ng Department of Agriculture (DA). Pinapakain pa sa mga bata sa eskwelahan sa ilang lugar sa Bicol ang bigas na ito.

Ang Golden Rice ay isang klase ng bigas na pinag-eksperimentuhan para umano tumugon sa kakulangan sa Bitamina A ng mga bata at mamamayan laluna sa mga atrasadong bansa. Pero lumabas sa mga pag-aaral na malaki itong kabulastugan, dahil kailangang kumunsumo ng 3.75 kilong bigas kada araw ang isang indibidwal para matugunan ang kinakailangang Vitamin A.

“Ang deficiency (sa Bitamina A) ay sintomas ng malnutrisyon na bunga ng matinding kahirapan. Malinaw ang mas malaking motibo ng mga korporasyon biotech sa tubo. Ibubukas ng Golden Rice ang paglaganap ng iba pang produktong genetically-enhanced na magreresulta sa pagbabago ng ating pagkain, at magpapailalim sa agrikultura at mga sistemang pagkain sa higit pang pagkontrol ng mga korporasyon,” paliwanag ng grupong SIKWAL GMO.

Ayon sa grupong Amihan, samahan ng kababaihang magsasaka, at Bantay Bigas, hindi praktikal ang Golden Rice. Hindi ito kinakailangan at delikadong eksperimento na maaaring magdulot ng kapahamakan sa mga Pilipino magsasaka at konsyumer laluna sa mga bata, buntis at mga nagpapasusong ina.

Liban dito, maaaring sirain ng Golden Rice ang lokal na mga klase ng palay at maaaring mamatay ang mga klaseng ito. Kung magkagayon, lalong mahihirapan ang mga magsasaka. Ang makikinabang lamang umano sa naturang eksperimento at proyekto ay malalaking transnasyunal na agrokemikal na korporasyon na siyang magbebenta ng kinakailangang kemikal para patubuin ang Golden Rice.

Nananawagan ang mga magsasaka sa mamamayan na magkaisa, tumindig at ituloy ang laban para sa ligtas, sapat at abot-kayang pagkain.

Source link