Pekeng labanan ang naganap sa Barangay Naibuan, sibilyan ang pinatay ng 4th IBPA at hindi kasapi ng NPA Mindoro!

Isa na namang karumaldumal na krimen ang isinagawa ng mga pasistang 4th IBPA at 203rd Bde sa pagpatay sa lehitimong sibilyan na si G. Juan Sumiling. Kagaya ng gasgas nilang maruming taktika, isang pekeng labanan ang pinalabas ng 4th IBPA noong Agosto 1, 2025 sa Sitio Salidang, Barangay Naibuan, San Jose Occidental Mindoro upang bigyang matwid ang pagpatay kay G. Sumiling at pagkatapos ay iprinisinta siya bilang napatay kuno na myembro ng NPA. Malinaw na walang labanang naganap sa pagitan ng 4th IBPA at ng alinmang yunit ng NPA Mindoro nitong Agosto 1 sapagkat wala ni isang yunit ng NPA sa nasabing barangay sa mga panahong ito. Ang katotohanan, hinuli ng buhay ng mga pasistang sundalo si G. Juan Sumiling, pinahirapan, saka walang awang pinatay. Taliwas at nakakapagtaka din ito sa paulit ulit na deklarasyon ng 203rd Bde, 68th IBPA, at ng local government unit ng San Jose na wala nang NPA sa saklaw ng San Jose.

Sa loob lamang ng isang taon, ikatlong kaso na ng ekstra-hudisyal na pamamaslang ng 4th IBPA ang pagpatay kay G. Juan Sumiling. Matatandaang walang awang pinatay ng 4th IBPA ang estudyanteng Mangyan na si Jay el Maligday noong madaling araw ng Abril 7, 2024 na taga Sityo Soriawon, Barangay Nasucob, Bulalacao Oriental Mindoro. Basta na lamang pinasok ng mga pasistang 4th IBPA ang bahay ng mga Maligday, pinalabas ang mga tao, saka pinagbabaril si Jay el. Pagkatapos ay tinamnan ng baril at iprinisintang napatay kuno na NPA sa labanan. Ganito din ang ginawa ng mga pasista sa isang Hanunuo Mangyan na si G. Hulyo Aytag noong Marso 14, 2025. Hinuli ng mga nag ooperasyong sundalo si G. Hulyo, ilang araw na binimbin sa kampo at pagkatapos ay pinagbabaril noong Marso 14 at saka pinalabas na nagkaroon ng isang labanan sa pagitan ng NPA at 4th IBPA sa Sityo Cabuyao, Barangay Panaytayan, Mansalay Oriental Mindoro.

Lalong nagpapatunay ang sunod-sunod na pagpaslang sa mga lehitimong sibilyan na nagaganap ang hindi deklaradong Martial law sa kanayunan ng Mindoro. Sa desperasyon ng 203rd Bde na palabasin sa publiko ang ilusyong walang kakayahan, mahina, at hindi sinusuportahan ng mamamayang Mindoreño ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro, maya’t maya itong nagpapalabas ng mga pinekeng labanan kung saan palaging talunan ang NPA. Taktikang saywar din ito ng 203rd Bde at lahat ng batalyon sa ilalim nito upang pigilan ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayang Mindoreño para sa lupa, kalikasan, at iba pang kahilingan ng mamamayan.

Si G. Juan Sumiling, mahigit 50 anyos, ay mahigit isang dekada nang nakikipamuhay sa mga komunidad ng katutubong Buhid at Hanunuo Mangyan. Nagmula siya sa pamilya ng maralitang magsasaka-Maranao sa Mindanao. Bata pa siya ay namulat na siya sa kahirapan ng buhay, ng mga kaakibat nitong tunggalian sa lupa ng mga angkan sa kanilang lugar at ng pangangamkam ng mga panginoong maylupa sa mga lupang binubungkal ng mga magsasaka at katutubo. Noon pa man, alam niyang kailangang ipagtanggol ang lupa dahil lage’t lageng nariyan ang banta ng pang-aagaw ng mayayaman at makapangyarihan.

Dahil sa pagtatanggol sa kanilang lupang sakahan sa Mindanao, nakasuhan at nakulong sya kaya napadpad sa Sablayan Penal Colony, sa Sablayan Occidental Mindoro. Sa loob ng kulungan, lalo niyang nakita ang kawalang katarungan at kawalang pagkakapantay-pantay sa lipunan bagkus ay lalong pagpapahirap at pang aalipin ang kanyang dinanas kaya naman nagpasya siyang tumakas sa bilangguan. Mula 2012, nagpalipat lipat na siya sa iba’t ibang komunidad ng mga katutubong Mangyan. Dito, matiyaga niyang tinuruan ang mga katutubo sa pagsasaka sa pagpupundar ng mga tubigan, paglikha ng mga irigasyon, at iba pang kaalaman at teknik sa pagsasaka laluna sa pagtutubigan na hindi itinuro ng reaksyunaryong gubyerno sa mga katutubo. Nagsikap siyang pagkaisahin ang mga katutubo, itayo ang kanilang mga organisasyong masa, at kanyang pinangunahan ang pagtataas ng disiplina ng mamamayan dahil alam niyang mas malakas na pwersa ang sama-samang pagkilos ng mamamayan kesa sa anupaman.

Nagpakita siya ng tunay na malasakit sa mga katutubo. Nagsilbi siyang “kuya” ng mga katutubo na lage nilang malalapitan sa anumang oras. Nagsilbi siyang manggagamot ng masa at matiyagang nagturo tungkol sa sanitasyon sa mga pamayanan, naging tagapag-ayos ng mga kaso at problema ng masa, at naging titser ng mga katutubong hindi nakatamasa ng edukasyon mula sa reaksyunaryong gubyerno. Ito ang nagdudumilat na katotohanang hindi maiaalis ng 203rd Bde at 4th IBPA sa isipan ng mga katutubong Mangyan na nakakilala at nakasama ni G. Juan Sumiling. Na minsan sa kanilang buhay, may isang estranghero, hindi nila kamag-anak at kalahi pero tunay silang pinagmalasakitan. Ito ang dahilan kung bakit nila minahal, kinupkop at pinangalagaan ang kaligtasan ni G. Sumiling sa loob ng halos dalawang dekadang paninirahan at pagsasaka sa kanilang lugar.

Sa nagdaang tatlong taon ng rehimeng US-Marcos II, patuloy itong nabibigo sa ilusyong ganap na pahinain at wakasan ang CPP-NPA-NDFP. Kaya naman sa paghahabol sa target nito, asahan ang higit pang terorismo ng estado laban sa mamamayang nakikibaka kagaya ng nagaganap sa Mindoro. Ang pagpatay sa mga sibilyan kagaya ni Jay el Maligday, Hulyo Aytag, at Juan Sumiling, ang mga pambobomba, panganganyon, pagkakampo sa mga pamayanan, pananakot, pambubugbog, red tagging, panggagahasa, sapilitang pagpapasuko at mga katulad pang anyo ng mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas ay asahang lalong titindi upang takutin at buhusan ng tubig ang paglaban ng mamamayan para sa lupa, sahod, karapatan at iba pang kahilingan ng mamamayan. Sa halip na lutasin ang kahirapan, kagutuman, kawalang lupa, kawalan ng trabaho, at tunay na serbisyo sa mamamayan, pasismo o dahas laban sa mamamayan ang numero unong ipinapatupad at pinagkakagastusan ng rehimeng US Marcos II.

Ngayon lalong kinakailangang maging matapang, magbuklod at kumilos ang mga Mindoreño upang bigyang hustisya ang pagpaslang kay G. Sumiling at sa libo-libo pang mga biktima ng terorismo ng estado. Ngayon higit na kinakailangang palakasin ang armadong paglaban ng mamamayan upang panagutin ang mga kaaway ng mamamayan.

Source link