Di pagpapasahod sa 91 Pilipinong manggagawa sa South Korea, iniimbestigahan

Naglunsad ng imbestigasyon ang Ministry of Employment and Labor (MEL) ng South Korea noong Agosto 1 upang imbestigahan ang reklamong hindi pagpapasahod sa 91 Pilipinong manggagawa sa sakahan ng Yanggu, Gangwon Province.

Ayon sa MEL, inutusan na nito ang mga upisyal sa kanilang upisina sa rehiyon upang imbestigahan ang insidente isang araw matapos nilang makuha ang reklamo.

“Ang layunin namin (sa imbestigasyon) ay matiyak ang karapatan ng mga manggagawa at makamit ang hustisya sa pinakamadaling panahon,” pahayag ng upisyal ng MEL.

Maliban sa hindi pagpapasahod, iniimbestigahan din ng ministro ang partisipasyon ng isang ahensya na di umano ay naniningil ng sobrang bayarin sa mga manggagawa. Suspetsa ng ahensya na lumalabag sa Labor Standard Act ang kumpanya sa pamamagitan ng iligal na pagkuha ng kita.

Ayon sa mga upisyal, pumasok sa bansang Korea ang mga manggagawa sa pamamagitan ng ‘seasonal worker program’, isang inisyatiba ng gubyerno na nagpapahintulot sa mga dayuhang manggagawa na magtrabaho sa bansa sa limitadong panahon (karaniwang tatlo hanggang limang buwan) upang punan ang malawakang kakulangan ng mga manggagawa sa industriya tuwing panahon ng pagtatanim o anihan at pangingisda.

“Ang mga dayuhang manggagawa sa kanayunan ay hindi lang dagdag na trabahador para maresolba ang kakulangan ng manggagawa sa lugar—sila ay ating mga kapitbahay, na nagtatrabaho kasabay natin. Iimbesitgahan namin ng maigi ang kaso na ito at pananagutin ang mga responsable upang di na maulit ang nakakahiyang insidente tulad nito,” pahayag ni Kim Young-hoon, Labor Minister ng bansa.

“Ikinalugod namin ang ginagawang imbestigasyon ng gubyerno ng Korea hinggil sa mga kaso ng hindi pagpapasahod sa mga Pilipinong manggagawa. Ngunit dapat rin panagutin ang rehimeng Marcos sa problemang ito dulot ng labor export program. Nananawagan kami sa lahat ng mga ‘seasonal’ na manggagawa na tumindig at labanan ang pang-aapi” pahayag ng Migrante Korea at Kasamma Ko.

Source link