Palakasin ang rebolusyonaryong pwersa ng magsasaka, mangingisda at maralita! Likhain ang sigwa na bubuwag sa sabwatan ng burukrata-kapitalistang rehimeng Marcos at mga ganid na kapitalista!

Sa panahong ito na hinahagupit ang bansa ng mabibigat na epekto ng sunod-sunod na bagyo at nagpapatuloy na habagat, taos-pusong nakikiramay ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid-National Democratic Front of the Philippines-(PKM-NDF) Ilocos sa mamamayang Ilokano, at sambayanang Pilipino na dumadanas ng matitindi at malawakang pagbaha, pagguho ng lupa, pagkasira ng mga pananim at kabuhayan, tahanan at mga ari-arian at pagkalagay sa kanilang mga buhay sa matinding panganib.

Sa likod ng masigabong palakpakan at katuwaan ng naghaharing-uri sa State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo 28, ang nakararaming masang Pilipino ay nakikibaka sa pag-ahon sa salanta ng mga kalamidad na nagpapalala sa dati nang lugmok nilang kalagayan bunga ng di-maawat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo samantalang nananatiling bagsak ang kita ng magsasaka, mangingisda, manggagawa at iba pang maralita.

Isa ang rehiyong Ilocos sa tinamaan ng pinakamatinding epekto ng magkakasunod na bagyong Crising, Dante at Emong at nagpapatuloy na habagat. Mula Hulyo 16 na pagbuhos ng malalakas na ulan hanggang humagupit ang signal number 4 ng bagyong Emong noong Hulyo 23, nasa 84,629 pamilya o 262,847 indibidwal sa 732 barangay ng La Union, Ilocos Sur at Ilocos Norte ang naapektuhan batay sa ulat ng DSWD Dromic (Disaster Response Operations Monitoring and Information Center) noong Hulyo 29. Batay sa huling datos, nasa 4,426 pamilya o 13,585 indibidwal ang napalikas sa tatlong probinsya, na sumilong sa mga evacuation center at iba pang mga lugar.

Dahil sa baha ay 56 kalsada at 4 na tulay ang napaulat na hindi na madaanan. Ang danyos sa imprastruktura ay nagkakahalagang ₱630,905,012, kabilang na dito ang mga palpak na flood control projects.

Nalubog ang malawak na palayan kung saan iniulat ng DA Region I na nasira ang 6,827 ektarya o 65.43% ng palayan ng rehiyon na nagkakahalagang ₱124 milyon. Malaki din ang danyos sa high value crops na 27.62% na nagkakahalaga sa ₱52 milyon, ang maisan na 2% na nagkakahalaga ng ₱4 milyon gayundin ang livestock at poultry kung saan nasalanta ang 5, 479 ulo ng mga alagang hayup ng magsasaka na nagkakahalaga ng ₱3 milyon. Nasira din ang 3.26% ng mga irigasyon na nagkakahalaga ng ₱6 milyon at nagseserbisyo ng 892 ektarya. Sa salantang ito ay apektado ang nasa mahigit 200,000 magsasaka sa buong rehiyon.

Lalo ding bumagsak ang kabuhayan ng nakararaming mangingisda ng Ilocos na nasa higit ding 200,000. Sa ilang linggo nang nananalanta ang mga kalamidad, nawala pa sa kanila ang napakaliit na ₱400 arawang kita sa pangingisda. Lalo namang mahihirapang makaahon ang marami sa kanilang nasiraan ng mga kagamitan sa pangingisda at mga tahanan. Ang manggagawang-bukid at malamanggagawa sa rehiyon na nakasandig sa kakarampot na arawang sahod na ₱450-₱500 ay nawalan ng kita sa pagkakasuspindi ng mga trabaho at mga hindi madaanang kalsada ng ilang mga araw.

Sa mga sakunang nararanasan ng mamamayan ngayon, muling ipinamamalas ng rehimeng Marcos ang kainutilan nito sa mabilis, epektibo at nakasasapat na pagtugon sa mga sakuna, kung kaya’t nararapat lamang na tayo’y sumandig sa sariling lakas at pagkakaisa.

Nananawagan ang PKM-NDF-Ilocos sa mga kasapi nito na pangunahan ang kilusang masa sa pangangalap ng mga kagyat na suporta at ayuda, lalo na ang pagkain para sa mga nasalanta. Pagsilbihin ang mga balangay at komite ng PKM na bag-as ng mga brigada ng mamamayan para sa mga tulungan sa rehabilitasyon ng mga salanta sa mga tahanan at kabuhayan ng magsasaka at mangingisda. Paganahin ang mga ammoyo (bayanihan) sa mga sakahan kagaya ng pagkumpuni ng mga nasirang irigasyon at taniman at pagsagip sa mga pananim at mga kagamitan sa pagsasaka. Ganito ring mga tulungan ang kailangang isagawa ng mga mangingisda sa kanilang mga komunidad.

Habang sumasalig sa sariling bayanihan sa rehabilitasyon ng salanta sa ating kabuhayan, kailangang kumilos upang magdemanda sa gubyerno ni Marcos para sa agaran at sapat na kumpensasyon sa mga salanta, nakasasapat na ayuda sa kabuhayan at subsidyo sa produksyon. Pakilusin ang mga samahan ng magsasaka, mangingisda at iba pang maralita upang idemanda sa mga ahensya ng gubyerno ang mabilisan at matamang pagsaliksik sa mga kongkretong salanta at kagyat na ideklara ang state of calamity sa mga bayan at probinsya upang mapalabas ang pondo para dito.
Sa ganitong mga kalagayan, makatwiran ang pagdemanda sa mga panginoong maylupa at mga usurero ng pagpapababa hanggang sa pagpapaliban sa pagbayad sa upa sa lupa at mga utang batay sa laki ng salanta ng pananim ng magsasaka. Nakasaad sa Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa na sa mga kalagayan ng mga sakuna kagaya ng baha, bagyo, tuyot, peste at iba pang sakuna kagaya ng militarisasyon: kung ang nasira’y hindi bababa sa 20% ng ani, ang magsasaka ay hindi magbabayad ng anumang upa sa lupa sa panginoong maylupa, at kung hindi bababa sa 50% ang nasira sa ani, ang magsasaka ay hindi magbabayad ng anumang upa sa lupa para sa kasalukuyang ani at sa susunod na ani. Ang mga utang ay pwedeng burahin hanggang sa halagang katumbas ng laki ng nasira.

Hindi tayo nagpapaniwala sa ipokritong pagkastigo ni Ferdinand Marcos Jr sa kaniyang SONA sa mga batbat ng katiwalian at palpak na mga flood control projects. Ang malawakang pagbaha, landslides at malalaking salantang nararanasan sa bansa sa ngayon ay ang nagdudumilat na epekto ng pangwawasak sa kapaligiran ng mga mapanirang proyektong minahan, logging, enerhiya at imprastruktura ng malalaking kapitalista na kaniyang hinihikayat. Ang mga flood control at mga drainage systems ay pumapalpak dahil nagiging gatasan lamang ang mga ito ng mga ganid na kontraktor kasabwat ang mga burukrata kapitalista ng rehimeng Marcos.

Maliban sa mga palpak na flood control systems, tinutukoy ng masang Ilokano ang mga malalaking dam, mga proyektong mapanira at depektibong drainage systems na kabilang sa mga pangunahing sanhi ng lumalalang pagbabaha at landslides sa mga kabukiran, komunidad, sentrong bayan at syudad sa mga prubinsya dito. Sa Ilocos Norte, ang libo-libong mga pinuputol na kahoy at malawak na kabundukang binubuwag para sa mga windmill at solar power projects at mga road widening ang nagdudulot ng madalas na landslides at pagbaha sa mga ganitong panahon. Tinutukoy din nila ang Zak hydropower project sa Vintar, Ilocos Norte na sanhi ng pagbabaha sa mga komunidad dito. Sa Ilocos Sur, ang mapangwasak na operasyong dredging ng Isla Verde Mining and Development Company sa bukana ng Abra River ang nagpapabaha sa mga barangay ng Santa, Caoayan at Vigan City. Ang reklamasyon para sa Camella Homes ng burges kumprador na Villar naman ang isa sa mga nagpapabaha sa mga komunidad sa paligid nito sa Candon City. Ang palagiang pagbaha sa mga kostal na komunidad sa ilang bayan ng La Union ay sanhi ng palpak na drainage system. Kailangang igiit ang pagpapatigil sa mga mapanirang proyekto at negosyong ito at panagutin ang mga kumpanya at ang rehimeng Marcos sa mga salanta na idinudulot ng mga ito.

Sa panahon ng mga kalamidad, higit na kinakailangan ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Dahil sa ang bansa ay malakolonyal at malapyudal na pinaghaharian ng mga imperyalista at mga galamay nilang malalaking burges-kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista, ang likas na yaman ng bansa ay nililimas nila at winawasak ang kapaligiran kung kayat nagiging mabuway sa mga kalamidad. Winawaldas nila ang pondo ng bayan kung kayat napakasama ang serbisyong publiko at hindi makapagsagip, bagkus naglalagay sa matinding panganib sa taumbayan sa harap ng mga kalamidad.

Nasa sentro ng demokratikong rebolusyon ng bayan ang agraryong rebolusyon. Hakbang-hakbang na ipapatupad ito hanggang mapawi ang iba’t ibang porma ng pyudal na pagsasamantala at monopolyo sa lupa na ugat ng lugmok na kalagayan ng magsasaka at nagsasadlak sa kanila sa labis na bulnerabilidad sa mga kalamidad. Bahagi din ng agraryong rebolusyon ang mga bayanihan ng magsasaka at iba’t ibang porma ng kooperasyon upang itaas ang produksyon at palakasin ang kakayahan sa pagbaka sa mga epekto ng sakuna.

Sa mga panahong ito higit na kinakailangan ang ibayong pag-oorganisa, pagpapalakas at pagpapalawak sa PKM ng Ilocos. Ang magsasaka, mangingisda at maralita na pinakabulnerable sa mga kalamidad ay siya ring pangunahing pwersang lilikha ng unos na bubuwag sa malakolonyal at malapyudal na lipunan at magtatayo ng panibagong lipunang ligtas at maunlad.

Source link