Iba-ibang ahensya ng gubyernong Marcos, kinalampag ng mamamayan ng Southern Tagalog

Isang araw matapos ang ika-apat na state of the nation address ni Ferdinand Marcos Jr, kinalampag ng mga grupong pambansa-demokratiko mula sa Southern Tagalog ang iba’t ibang ahensya ng rehimen dahil sa kainutilan ng mga ito na tugunan ang panawagan ng mamamayan. Nagpiket ang mga grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Southern Tagalog noong Hulyo 29, na ikalimang araw rin ng binansagan nilang “SONA Caravan ng Timog Katagalugan.”

Unang nagtungo ang mga grupo sa pambansang upisina ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa distrito ng Diliman, Quezon City para ipabatid sa ahensya ang nararanasang pagpapalayas ng iba’t ibang komunidad sa rehiyon. Nagsumite ng petisyon ang mga kinatawan ng maralitang komunidad sa Rizal kaugnay ng pabahay at pagpapatibay ng kanilang mga asosasyon.

Kasunod nito, nagtungo ang delegasyon sa upisina ng Department of Social Weldfare and Development (DSWD) sa Barangay Batasan Hills, Quezon City para igiit ang kompensasyon at ayuda sa mga biktima ng nagdaang mga sakuna. Nagsumite ng petisyon ang mga grupo sa ahensya at humarap sa isang dayalogo.

Ayon sa Alyansa ng mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK), hindi pa rin ibinibigay ng gubyerno ang kumpensasyon sa pinsala ng Bagyong Kristine sa kanilang kabuhayan noong nakaraang taon. Anila, panahon na naman muli ng mga bagyo at tiyak na pinsala ulit ang kanilang haharapin.

Dumanas ng panggigipit mula sa mga pulis at pwersa ng estado ang mga nagprotestsa sa DSWD. Matapos ang pagkilos ay hinarang sila ng mga pulis ng Quezon City Police District sa utos ni Police Lieutenant Roberto C. Villanueva Jr. ng Police Station 6, Batasan. Pinaratangan ang protesta na nagdudulot ng obstruksyon sa trapik, out of line (wala sa ruta), at walang permit.

Matapos niyon, nagtungo ang delegasyon ng rehiyon sa Office of the Ombudsman sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City. Pangunahing panawagan ng mga grupo ang hustisya at pananagutan sa pagbasura ng Ombudsman sa kontra-asuntong isinampa ng mga tagapagtanggol sa karapatang-tao ng rehiyon na sina Hailey Pecayo at Jpeg Garcia laban sa mga upisyal ng 59th IB.

Ipinanawagan din sa protesta ang pagpapanagot sa 4th IB at 203rd IBde sa pagpaslang sa kabataang Mangyan na si Jay-el Maligday. Naghain din ng kaso sa Ombudsman ang pamilyang Maligday laban sa mga pumatay kay Jay-El. Nagsagawa ng pagdinig hinggil sa kasong ito sa Ombudsman nitong Hulyo.

Bilang panghuli, nagtungo at naglunsad ng programa ang mga grupo sa upisina ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa Barangay South Triangle, Quezon City. Kabilang sa mga nangalampag sa ahensya ang mga katutubong Mangyan at Dumagat na nagmula sa Quezon, Rizal, at isla ng Mindoro.

“Matagal nang pinagsasamantalahan at pinahihirapan ng komisyon na ito ang mga katutubo imbes na tulungan tayo,” ani ni Wilma Quierrez ng IMASEN. Anang Bayan-Southern Tagalog, patuloy na pinagsasamantalahan at pinagsa-sawalang bahala ng estado ang mga katutubo pabor sa mga proyektong pangkaunlarans na sumisira hindi lamang sa kalikasan kundi sa kabuhayan at lupang ninuno ng mga katutubo.

“Ito ang tunay na SONA ng bayan,” pahayag ni Lucky Oraller, tagapagsalita ng Bayan-Southern Tagalog.

Dumating sa Metro Manila ang delegasyon ng Southern Tagalog noong Hulyo 25 para makilahok sa mga protestang kontra-SONA ni Marcos. Nagtagal sila ng limang araw sa pambansang kabisera para iparating sa mamamayang Pilipino at sa rehimeng Marcos ang mga isyung kinahaharap ng rehiyon.

Source link