Mga Pilipinong aktibista, naglunsad ng People’s State of the Nation Address sa iba’t ibang bansa

Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Migrante, Gabriela at Anakbayan at mga alyadong organisasyon, naglunsad ng kani-kanilang mga People’s State of the Nation Address (PSONA) na may temang “SONAsaan na? SONAgbago ba?” ang iba’t ibang grupo noong Hulyo 27 at 28 sa ibayong dagat.

Tinalakay ng mga grupo sa kanilang mga protesta ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino sa bansa at sa ibayong dagat, pagpanawagan ng hustisya para sa mga biktima ng human trafficking sa Cambodia, pagkundena sa anti-imigranteng pagtugis ng rehimeng Trump, pagsulong ng P1,200 na nakabubuhay na sahod, pagkilala sa karapatan ng migrante sa ibang bansa, pagkundena sa anti-mamayan mga patakaran ng pasistang rehimeng US-Marcos at panawagang litisin si Sara Duterte.

Sa Asia Pacific, naglunsad ng protesta sa labas ng konsulado ng Pilipinas sa Melbourne, Victoria at sa Blacktown, Western Sydney sa Australia; sa Charter Road Central at sa labas ng konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong; Freyberg Square, Auckland Central Business District at Trade Union Center sa Christchurch sa New Zealand at sa Hyewa-dong sa South Korea.

Sa US, naglunsad ng protesta sa labas ng embahada ng Pilipinas sa Washington, DC; sa labas ng konsulado ng Pilipinas sa Los Angeles, California, San Francisco, California, New York City, at Chicago, Illinois; sa Creston Park sa Portland, Oregon at sa Seward Park sa Seattle.

Naglunsad din ng protesta sa Canada sa mga bayan ng Bathurst-Wilson Parkette sa Ontario; Civic Plaza, Surrey Central Station sa Surrey, British Columbia; Central Park sa Winnipeg, Manitoba; Plaza Byward Market sa Ottowa, Ontario at sa labas ng konsulado ng Pilipinas sa Calgary, Alberta. Naglunsad naman ng talakayan at pag-aaral hinggil sa PSONA sa Montreal, Quebec.

Sa Europe, naglunsad ng protesta sa labas ng embahada ng Pilipinas sa The Hague, Netherlands; sa Berlin, Germany at London, United Kingdom.

Source link