Nagluluwal ng mga rebolusyonaryo ang bansang nagdurusa

Kalahati na sa kanyang termino, ang papet-pasistang rehimeng US-Marcos ay nagpapatuloy sa Ambisyon Natin 2024 nito na walang ibang maipakita kundi ang matinding kahirapan, hindi nakabubuhay na sahod, tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kawalan ng lupa, patuloy na pagwasak sa kalikasan, at kawalang serbisyo para sa mga biktima ng kalamidad. Ang mga aroganteng pahayag nito tungkol sa pag-unlad ng ekonomya ay “purong ingay na walang kabuluhan” kundi walang humpay na korapsyon at pandarambong.

Ngunit hindi magpapahuli, itinakda rin ng rehimen na higitan ang rekord ng nakaraang administrasyon ni Duterte sa “kontra-insurhensya” at panunupil sa pamamagitan ng kamakailang paglulunsad ng isang National Action Plan na ngayo’y ipinapakete na may sibilidad—kapayapaan, pagkakaisa, at kaunlaran. Ang NAP-UPD (National Action Plan-Unity, Peace and Development) para sa 2025-2028, bagaman pagpapatuloy ng bantog na mapanupil na “whole of nation approach” ni Duterte, ay nangangakong higit pang dudurugin ang rebolusyonaryong kilusan.

Higit na tampok sa kontra-rebolusyonaryong plano ng kasalukuyang rehimen ang mapanlinlang na mga taktika ng pagkakasangkapan sa mga batas bilang sandata (laban sa mamamayan), kontrolado ng militar na mga lokal na usapang pangkapayapaan, pagsasagawa ng mga pekeng pagpapasuko, lantarang disimpormasyon, mapanlinlang na alok ng amnestiya, red baiting, red tagging, mga huwad na organisasyon, panghaharas, pagmamanman, pagdukot, pagpatay o mga masaker, pinatinding militarisasyon at pagbomba sa mga kanayunan, at pagbibigay ng mas malawak na kapangyarihan sa notoryus na NTF-ELCAC.

Pinatitindi pa nito ang mga hakbang sa pamamagitan ng pagpokus sa mga paaralan, kabataan, mga guro, masmidya at social media sa kanilang pagtatangka na manipulahin ang lumalakas na lehitimong protesta at baguhin ang kasaysayan, bilang bahagi ng kanilang plano na “kontrolin ang larangan ng impormasyon.”

Mula pa sa simula, malinaw na ang plano ni Marcos Jr para sa “pagkakaisa, kapayapaan, at kaunlaran” ay nagmula sa imperyalistang disenyo ng US para sa pandaigdigang paghahari. Ipinapahayag ng pasistang papet na rehimen ang “pagkakaisa” sa kagustuhan nitong buklurin ang mga naghaharing uri para matanganan ang buong kapangyarihan ng reaksyunaryong burukrasya at militar laban sa bayan. Walang kahihiyan nitong ibinubulalas ang “kapayapaan” habang isinusubo ang buong bansa sa panganib ng digmaan at kaguluhan sa pagbibigay sa US ng lunsaran ng gera sa Asia sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga base at misayl ng US sa kalupaan ng Pilipinas. Bukambibig nito ang “kaunlaran” gamit ang neoliberal at zero tariff na patakaran para sa higit na dambungin ng mga imperyalistang malalaking negosyo at lokal na burukratang kapitalista ang mamamayan at likas na yaman ng bansa.

Ngunit ang natatanging tatak ng NAP-UPD ay ang pagmamalaki ng rehimen na ang malaking bilang ng mga tinarget na lugar kabilang ang mga komunidad ng mga magsasaka, mga paaralan, mga pabrika, at mga komunidad ng maralitang-lunsod kapag idineklara nang “na-clear” ay dapat ring “bigyang kakayahan” (basahin: i-hamlet, kontrolin, manipulahin) nang sa gayon ay walang sinumang rebolusyonaryo ang makababalik kailanman sa kanilang dating base.

Isa na naman itong kagila-gilalas na pahayag na ikinapahiya ng lahat ng papet-pasistang rehimen sa harap ng pagpupunyagi at pagpapatuloy ng rebolusyonaryong kilusan sa kabila ng napakalalaking pagsubok sa loob ng mahigit kalahating siglo na ang nakalipas. Ang krisis sa Pilipinas—ang kalagayan ng bansa—ang siyang nag-aanak ng mga rebolusyonaryo. Walang anumang gera ng panunupil ang makapipigil sa isang rebolusyon. Ang mga tao ay babangon at babangong muli.

Tatagal ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa susunod na mga salinlahi. Ang mga rebolusyonaryo ngayon ay patuloy na natututo mula sa mga nauna sa kanila at mula sa kanilang sariling mga karanasan. Habang sumasailalim ang kilusan sa proseso ng pawawasto, pinatatatag ng mga rebolusyonaryo ang kanilang mapanlabang diwa, pinalalalim ang kanilang pag-unawa sa lipunang Pilipino, nilalapit ang sarili sa mga batayang masa, pinalalawak at kinokonsolida ang kanilang mga organisasyon, nagpapakahusay sa taktika ng nagkakaisang prente, at patuloy na sumusulong.

Nagpupunyagi ang mga rebolusyonaryo sa pamumuno sa bayan sa kanilang pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo, demokratikong karapatan, at kasarinlan mula sa imperyalismong US na hanggang ngayon ay nagtutulak sa Pilipinas sa bingit ng digmaan. Kaya nga, ang hinaharap ng NAP-UPD ay isang matinding hamon, hindi lamang mula sa mga rebolusyonaryo kundi lalo na mula sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino na araw-araw nagiging biktima ng kahirapan at panunupil. Hangga’t ang papet-pasistang rehimen ay patuloy na nagsisilbi sa amo nitong imperyalisang US at mga kasabwat nitong naghaharing uri, aanihin ng NAP-UPD hindi lamang ang pagkamuhi at galit ng isang bansang lubhang naghihirap, kundi pati na rin ng pag-alsa ng mamamayan tungo sa kanilang sariling paglaya.
___
Isinalin ng PRWC.

Source link