Lubusan ang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US na ipinakita ng nagdaang pagbisita nito sa Amerika. Sa malinaw na hindi pantay na bagong kasunduan sa kalakalan, inalisan ng taripa ang mga produktong iniimport mula sa US katulad ng sasakyan habang ipapataw ang 19% taripa sa mga produktong mula sa Pilipinas at inoobligang dagdagan ang binibiling produktong pang-agrikultura at pharmaceutical mula sa US. Patuloy din ang pagsang-ayon ni Marcos sa pagsagasa ng US sa soberanya ng Pilipinas at pagkaladkad sa bansa sa bingit ng digma. Mas titindi pa ang presensya militar ng US sa pagtatayo ng mga pasilidad at imprastraktura para sa tropa at kagamitan nito sa loob, at maging sa labas, ng mga kampo ng AFP. Iniutos ng US ang pagtatayo ng pabrika ng bala sa Subic Bay at nauna pang mag-anunsyo ng pagbebenta nito ng 20 F-16 fighter jets sa Pilipinas sa halagang $5.6B. Malinaw na kinakasangpan lang ang bansa sa pagpapatag ng kontrol ng US sa Indo-Pacific laban sa katunggaling Tsina.
Habang kapal-mukhang ipinagkakanulo ng tutang Marcos ang Pilipinas, lalo namang lumalala ang epekto ng krisis na binabalikat ng mamamayang Pilipino. Ang lumalalang krisis na ito ay dahil sa patuloy na pangingibabaw ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo na lumikha ng malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino. Nagdudulot ito ng kahirapan at pagdurusa sa milyon-milyong Pilipino, laluna sa mga manggagawa, mala-manggagawa, at mahihirap na magsasaka’t mangingisda, habang nananatiling masagana ang mga dayuhang kapitalista, kumprador burgesya, panginoong maylupa at burukratang kapitalista.
Sa kanayunan, pinapalayas ang maraming magsasaka at katutubo sa kanilang lupa bunsod ng malawakang pangangamkam ng mga lupain sa kanayunan para sa minahan, plantasyon, proyektong pangkaunlaran, at ekoturismo. Nagtapos ang ika-19 na kongreso na hindi naisabatas ang dagdag sahod na kailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya. Nagsitaasan ang presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo na lalong nagpalala sa paghihirap ng anakpawis at pagdausdos ng kabuhayan ng mga kawani at propesyunal. Ipinatutupad ng rehimeng Marcos ang polisiyang neoliberal na nagpapatuloy sa pagkabansot ng ekonomiya sa bansa–deregulasyon at pribatisasyon ng saligang industriya at serbisyo, at ekonomiyang nakaasa sa pag-iimport ng dayuhang produkto, pag-eeksport ng lakas-paggawa at dayuhang pandarambong at pagsasamantala ng likas na yaman. Dulot din nito, palubha nang palubha ang epekto ng kalamidad sa mga sakahan sa kanayunan, sa kabundukan at papatindi naman ang pagbaha sa kalunsuran habang pinapayuhan tayo ng tutang rehimeng Marcos na masanay at ito na raw ang “new normal.” Habang patuloy naman na umiiral ang batas militar sa kanayunan upang supilin ang pagtatanggol ng magsasaka sa lupa at kabuhayan at gapiin ang armadong paglaban ng mamamayan.
Nagkakasya na ang rehimeng Marcos sa mga pakitang-taong palabas sa anyo ng pantapal na ayuda at programa na hindi naman lumulutas sa totoong ugat ng kahirapan. Itinatampok ng rehimen ang iilang kunwa’y pagpapanagot sa sindikatong kriminal habang tinatabunan ang pananagutan niya. Ilang buwan matapos ang eleksyon ay muling sumisigla ang kiskisan at kuntsabahan ng mga nagriribalang burukrata—hindi upang mapabuti ang pagsisilbi sa mamamayan, kundi para ipagpatuloy ang agawan sa kaban ng bayan, pribilehiyo at ganansya para sa kanilang pagpapayaman at pagsusteni sa kapangyarihan. Inilantad naman ng Korte Suprema ang kanilang tunay na kulay sa pagkatig sa burukrata kapitalistang Duterte nang magdesisyon itong hindi raw konstitusyonal ang impeachment ng bise presidenteng si Sara Duterte. Malaking kalaspatangan ito sa mamamayang nananawagan ng hustisya at pananagutan.
Wala namang kongkretong tugon ang rehimeng Marcos sa krisis sa sistema ng edukasyon ng bansa, sa halip ay patuloy na tumindi ang katangiang kolonyal, komersyalisado at represibo nito. Ang sistema ng edukasyon ng bansa ay hindi nakatuon sa paglinang ng kaalaman at kasanayang kailangan para sa isang lipunang umaasa-sa-sarili kundi sa pagtugon sa pangangailangan ng dayuhang kapital at lokal na korporasyon at entidad. Ang pagpapatupad ng K to 12 at Matatag Kurikulum ay nagpapabilis lamang ng produksyon ng murang lakas-paggawang pang-eksport. Sadyang isinasantabi ang paghubog ng mapanuri at siyentipikong pag-iisip, pagmamahal sa bayan at paglilingkod sa sambayanan.
Palagiang kapos ang badyet sa edukasyon para tugunan ang pangangailangan para sa de-kalidad at libreng edukasyon ng mga kabataan Nananatiling kulang na kulang ang mga guro, pasilidad at iba pang kagamitan na kailangan sa pagkatuto sa lahat ng antas ng pampublikong edukasyon. Hinahayaan ang mga pribadong paaralan na maningil ng mataas na matrikula, at sa halip na lutasin ang mga suliranin sa pampublikong edukasyon, naglalaan ng malaking subsidyo para sa mga pribadong paaralan para daw dagdagan ang akses ng mga mag-aaral sa de-kalidad na edukasyon.
Napakong mababa ang sweldong tinatanggap ng mga guro na humaharap sa iba’t ibang anyo ng krisis ng sistemang pang-edukasyon sa bansa–mabigat na teaching load, malaking bilang ng mag-aaral sa mga klase, kakulangan sa kagamitan sa pagtuturo, mismatch ng kaalaman at kasanayan ng guro sa asignaturang itinuturo, kontraktwalisasyon, at marami pang iba. Katulad ng mga nagdaang rehimen, patuloy na nagbibingi-bingihan ang rehimengMarcos sa mga hinaing ng mga mag-aaral, guro, at kawani sa sektor ng edukasyon at bagkus ay lalong sinisiil ang mga demokratikong karapatan at kalayaang akademiko. Laganap ang pagmamanman, panggigipit at pagbabanta sa mga lider-guro, lider-estudyante, at kasapian ng mga unyon at organisasyong nagtatanggol sa karapatan ng mga mag-aaral at guro, at laluna sa nananawagan ng paglaban sa kasalukuyang rehimen at nagsusulong ng makabuluhang pagbabago sa lipunang Pilipino.
Maglulubid na naman ng salita sa SONA si Marcos Jr. Magmamayabang ng kapiranggot na nagawa sa harap ng gabundok na suliranin ng bansa. Ang totoong kalagayan ng bansa ay wala sa bibigkasing talumpati ni Marcos–ito ay makikita sa matagal nang dinaranas sa araw-araw na pagdurusa ng milyon-milyong mamamayan. Hangga’t hindi natutuldukan ang pangingibabaw ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo sa Pilipinas ay patuloy na mababansot ang pag-unlad ng bansa at mananatiling ang yaman at kasaganahan ay hihigupin lamang ng iilan. Tanging ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyon at pagpapatupad ng programa nito lamang ang hahawan ng landas at magtitiyak ng pagpawi ng kahirapan at pagsasamantala sa mamamayan, lalo na sa uring anakpawis. Ang pagpatid sa pagiging malakolonya ng bansa, pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon at rebolusyong agraryo ang lulutas sa mga saligang pang-ekonomiyang suliranin ng bansa.
Samantala, ang pagiging sunud-sunuran sa imperyalistang patakaran ay sumasagka sa pagpapaunlad ng sistema pang-edukasyon sa bansa. Layunin ng demokratikong rebolusyong bayan na ipatupad ang makabayan, siyentipiko, at makamasang sistema pang-edukasyon na maghahatid ng de-kalidad at libreng edukasyon sa lahat ng antas. Titiyakin na nagsisilbi ito sa interes atkagalingan ng mamamayan at pag-ambag sa pag-unlad ng lipunan at sangkatauhan.
Ang hakbang-hakbang na pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pangpulitika kasabay ang pagpapalakas ng armadong pakikibaka at ang pagtatayo ng demokratikong gobyernong bayan sa ganap na pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ang magtitiyak na makakamit ang mga mithiin ng sambayanang Pilipino.
Labanan ang Papet, Pahirap at Pasistang Rehimeng Marcos!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Mga guro ng bayan, tumungo sa kanayunan, pagsilbihan ang sambayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!











