Ang mga bata ay hindi kriminal, tugon ng organisasyon ng mga bata sa panukalang batas ni Robin Padilla

Kinundena ng grupong Salinlahi Alliance for Children’s Concerns muling pagbuhay ng senador na si Robinhood Padilla sa panukalang batas para amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act (JJWA) of 2006. Nais niyang ibaba mula sa 15 tungo sa 10 taong gulang ang minimum na edad ng pananagutan sa krimen o minimum age of criminal responsibility (MACR).

Una nang napagtagumpayan ng mga organisasyon at indibidwal na nagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga bata ang kampanya laban sa tangkang pag-amyenda sa parehong batas na hinain ni Senador Tito Sotto noong 2019. Nais ni Sotto noong na ibaba mula sa 15 tungo sa 12 taong gulang ang MACR.

Sa pangunahing kampanya ng Salinlahi na “mga bata, hindi kriminal,” iginigiit ng grupo na ang mga bata ay biktima ng kanilang sirkumstansya, tulad ng kahirapan, troma at pagsasamantala, at hindi nila likas na katangian ang maging kriminal.

“Sa panukalang batas ni Padilla na pagpapababa ng MACR, matatabunan ang batayang karapatan ng mga bata habang kinukompromiso ang deka-dekada nang pag-abante sa pangangalaga sa mga bata sa ilalim ng batas ng bansa,” paliwanag ng grupo.

Ang rehabilitasyon sa halip na pagpaparusa sa mga bata ay batay sa siyentipikong pag-aaral at internasyunal na prinsipyo. Ang paglagay sa 10 taong gulang na bata sa sistema ng hustisyang kriminal, partikular sa mga karumal-dumal na krimen, ay labag sa internasyunal na pamantayan sa pag-unlad ng bata at cognitive maturity. Nagbabala na noon ang United Nations Cahildren’s Fund (UNICEF) na ang pagbaba ng edad ng MACR ay hindi pipigil sa mga sindikato na samantalahin ang mga bata at sa halip ay magpapalawak lamang ng mga uusigin.

Ang pagtrato sa mga bata bilang kriminal ay lalo lamang magpapalala sa siklo ng pagpapabaya sa sistema na matagal nang pinabayaan ang mga bata at kanilang pamilya. Dapat magkaroon ng mga madaling maabot na eskwelahan, libreng serbisyong pangkalusugan, abot kayang masustansyang pagkain, at mga pasilidad para sa rehabilitasyon na totoong may pagkalinga at pagtitiyak sa pangunahing pangangailanga ng mga bata.

“Upang matugunan ang pang-sosyo-ekonomiko na krisis ng pamilyang Pilipino dapat itaas ang sahod ng mga manggagawa, ibaba ang presyo ng pangunahing mga bilihin at protektahan at ipagtanggol ang mga bata,” pahayag ng Salinlahi.

Source link