81-anyos na maling inaresto ng pulis, nakalaya makalipas ang 6 buwan

Inianunsyo ng Karapatan at National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang paglaya ng 81-anyos na si Prudencio Calubid Jr (Tay Pruding) noong Hunyo 27 mula sa anim na buwang pagkulong. Nanawagan sila ng hustisya at seryosong pinag-iisipan ang pagsasampa ng kontra-asunto sa mga nagsagawa ng pag-aresto at detensyon sa biktima.

Nakalaya ang biktima matapos magdesisyon pabor ang Court of Appeals 16th Division sa petisyon para sa habeas corpus na isinampa ng anak ni Tay Pruding na si Analyn Calubid, sa tulong ng NUPL, noong Abril.

Si Tay Pruding ay maling inaresto noong Disyembre 7, 2024 sa Barangay Gordon Heights, Olongapo City. Pinalalabas ng mga pulis na siya ay ang konsultat sa pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Prudencio Calubid. Ang totoong Calubid ay dinukot ng rehimeng Arroyo at sapilitang iniwala noon pang 2006.

Ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection group (PNP-CIDG), naaresto Tay Pruding sa ilalim ng “Oplan Pagtugis” at “Oplan Salikop.” Isang buwan umano ang kanilang iginugol para sa gawaing paniktik at pagmamanman para madakip ang matanda.

Mayroon umanong kaso si Calubid na robbery with double homicide, damage to property, at 15 bilang ng pagpatay. Mayroong patong na ₱7.8 milyon ang ulo ni Calubid.

Ayon sa Karapatan, sa panahong nasa detensyon si Tay Pruding ay ilang ulit siyang pinilit ng mga pulis na aminin na siya ang Calubid na kanilang hinahanap. Sa kabila ito ng patung-patong na patunay at mga dokumento ng pagkakakilanlan ni Tay Pruding.

Sa naging desisyon ng korte, inihayag nitong mayroong malinaw na ebidensyang inihapag ang mga abugado ni Tay Pruding na nagpatunay ng kanyang pagkakakilanlan hiwalay sa pinararatangan sa kaso. Pinuna rin dito ang kabiguan ng PNP-CIDG na masagawa ng pagtitiyak sa pagkakalinlanlan ng kanilang dinakip.

“Nakahinga kami nang maluwag na sa wakas ay nakalaya na si Tay Pruding,” pahayag ni Atty. Maria Sol Taule, ikalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Muntik pang pigilan ng mga upisyal ng Manila City Jail ang paglabas ni Tay Pruding, ayon kay Atty. Taule, dahil sa pagdating ng isa na namang mandamyento laban sa kanya. Malinaw na isinaad na ng Court of Appeals na hindi si Tay Pruding ang hinahanap ng mga pulis, ayon sa abugada.

Idiniin ni Atty. Taule na sa simula’t sapul ay hindi dapat inaresto at ikinulong si Tay Pruding. “Kabilang siya sa mga biktima ng sistema ng pabuya ng gubyerno na bumiktima sa hindi na mabilang na iba pa,” dagdag ng abugada. Nanawagan rin si Atty. Taule na palayain ang iba pang higit 700 bilanggong pulitikal na tulad ni Tay Pruding na walang-batayang ikinukulong.

Sa harap ng inhustisya at anim na buwang paghihirap sa kulungan, sinabi ng Karapatan at NUPL na mayroong karapatan si Tay Pruding na magsampa ng kontra-asunto sa mga pwersa ng estado. Ayon sa pahayag ng NUPL, seryoso nitong pinag-aaralan ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso.

“Hindi maaaring pahintulutan ng batas na walang maparusahan sa anim na buwang iligal na pagkakakulong at ang hindi na maibabalik na pinsalang idinulot nito [sa biktima],” ayon sa NUPL. Pagdidiin ng grupo ng mga abugado, hindi ito maaaring gawing normal na kalakaran.

Anang grupo, dapat panagutin ang mga pwersa at ahensya ng estado, lalo na ang mga nagbigay-daan, nagsagawa, o nakinabang mula sa mga malubhang paglabag sa karapatang-tao na ito.

Source link