Makabuluhang rolbak sa presyo ng langis, ipinanawagan

Marami ang umaasa na irorolbak ng mga kumpanya ng langis ang mga presyo nito matapos bumagsak ang pandagidigan presyo ng krudong langis noong Hunyo 24 nang parehong magdeklara ng tigil-putukan ang Israel at Iran. Pero imbes na ibaba, itinaas pa ng mga kumpanya ang presyo nang ₱1.75 kada litro para sa gasolina, ₱2.60 kada litro para sa diesel, at ₱2.40 kada litro para sa kerosene noong Hunyo 25. Pangalawang ito sa 2-araw na “staggered” na pagtaas ng presyo. Sa kabuuan, tumaas nang ₱3.50 ang kada litro ng gasolina, ₱5.20 kada litro ng diesel, at ₱4.80 kada litro ng kerosene.

Bumaba ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado mula sa humigit-kumulang $80 kada bariles tungong $69 kada bariles nitong nagdaang mga araw, dahilan na iginigiit ng ibang sektor ang pagrorolbak sa lokal na presyo ng langis. Bilang pampalubag-loob, inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na maaring bumaba ang presyo ng langis nang ₱1.00 hanggang ₱1.40 ang kada litro ng gasolina, ₱1.60 hanggang ₱2.10 kada litro ng diesel, at ₱2.00 hanggang ₱2.20 ang kada litro ng kerosene sa susunod na linggo.

Binatikos ng IBON Foundation ang nakatakdang rolbak, na anito’y malayo sa itinaas sa presyo na pinalabas na resulta ng agresyon ng Israel sa Iran. Kahit ang naunang mga rolbak ay maliit na bahagi lamang kumpara sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo. Sa nakaraang mga buwan, halimbawa, ang ginawang mga rollback ay 27% lamang ng netong pagtaas ng presyo ng gasolina at 37% lamang para sa diesel. Malaki pa rin ang lugi ng mga konsyumer matapos ang nakaraang 11 linggong sunud-sunod na mga taas-presyo.

Binatikos rin ng Ibon ang “staggered” na pagtaas ng presyo ng langis na ipinatupad nitong linggo. Ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON, ang tinatawag na “staggered” na pagtaas ng presyo ay hindi kabutihang-loob kundi estratehiya upang mapalaki ang kita mula sa naunang nabili nilang murang langis. Aniya, magkasabwat na ipinatupad ng rehimeng Marcos Jr at mga kumpanya ng langis ang taktikang ito para pigilan ang reklamo at mailihis ang isyu ng profiteering o pagkamal ng supertubo.

“Walang dapat ipagpasalamat sa ‘staggered’ oil price hikes. Itinakda lamang ng mga oil firm kung paano nila kukunin ang sobra-sobrang tubo mula sa pagbebenta ng murang langis na dati nang naka-imbak (pre-stocked oil),” ani Africa. Una nang kinutya ng mga drayber ang staggered na pagtaas at tinawag itong “isang malaking kalokohan.”

Binigyang-diin ng IBON na ang tunay na ginhawa para sa konsyumer ay mangangailangan ng ganap na transparency sa pagpepresyo at imbentaryo ng langis, mas mahigpit na regulasyon sa presyo at hindi lamang monitoring, pagbubuwis sa malalaking kita ng mga oil company, at sapat at hindi pakitang-tao na ayuda sa mahihirap. Anito ang kasalukuyang cash aid ng gobyerno ay “kulang at pakitang-tao,” at hindi sapat para tugunan ang laki ng pagkabawas ng kita ng milyun-milyong naghihirap na Pilipino.

Source link