Mga magsasaka at mangingisda sa Central Visayas, ginigipit ng estado

Kinundena ng Karapatan-Central Visayas ang magkakasunod na insidente ng panggigipit ng mga pwersa ng estado sa mga komunidad ng mangingisda at lider-magsasaka sa Cebu at Bohol. Anang grupo, ang mga insidenteng ito ay malinaw na bahagi ng nakababahalang padron ng militarisasyon sa mga komunidad na ipinapataw ng rehimeng Marcos sa rehiyon.

Sa Cebu, pitong elemento ng Philippine Navy ang pumunta sa isang komunidad ng mangingisda sa bayan ng Minglanilla noong Hunyo 16 para sapilitang pulungin at takutin ang mga residente. Binantaan nila ang mga mangingisda laban sa paglahok sa Panaghugpong sa mga Gagmayng Mananagat sa Sugbo (Pamana-Sugbo) na idinadawit nila sa armadong rebolusyonaryong kilusan.

Dagdag pa, pinilit ng mga sundalo ang mga kasapi ng organisasyong masa na pumirma sa isang dokumento na “tumutuligsa sa CPP-NPA-NDFP.” Ginamit na panuhol ng mga ito ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan at kagamitan sa pangingisda kung pipirma.

Tinarget ng paninindak ang komunidad dahil kabilang sila sa mga nanindigan laban sa pagpapalayas at demolisyon para sa planong 100-ektaryang proyektong reklamasyon. Ayon sa Pamana-Sugbo, naglaan ang lokal na gubyerno ng Cebu ng ₱20 bilyon para sa proyekto at ibinigay ang kontrata sa kumpanyang Ming-Mori.

Sa Bohol, inaresto ng mga pwersa ng estado ang pangkalahatang kalihim ng Hugpong sa mga Mag-uumang Bol-anon (HUMABOL)-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na si Joemar Pogio noong Hunyo 8 sa bayan ng San Miguel. Dinala siya sa istasyon ng pulis ng San Miguel at nakakulong sa hindi pa malinaw na mga kasong kriminal.

Lubhang nag-aalala ang Karapatan-Central Visayas sa kanyang kaligtasan at kagalingan at ipinapanawagan ang pagpapalaya sa kanya.

Source link