Pinarangalan at pinagpugayan ng mga organisasyon, partido at grupo mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas at ibang bansa si Ka Luis Jalandoni (Ka Louie), na pumanaw noong Hunyo 7 sa Utrecht, the Netherlands, sa edad na 90. Kinilala siya bilang isang matatag na tagapagtaguyod ng kapayapaan, internasyunalista at huwarang rebolusyonaryo.
Ipinanganak si Ka Louie noong Pebrero 26, 1935 sa angkan ng malalaking asenderong may malalawak na tubuhan sa Silay City, Negros Occidental. Nag-aral at nagtapos siya sa pribadong paaralan at kalaunan ay naging pari ng simbahang Katoliko.
Sa panahon ng diktadurang Marcos, nagsilbi siyang malakas na tinig ng inaapi at pinagsasamantalahan, laluna ng mga manggagawang-bukid sa tubuhan, bilang isang aktibistang pari. Isa siya sa mga nagtatag sa Christians for National Liberation (CNL) at naging bahagi ng pamunuan nito.
Naging kasapi si Ka Louie ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Marso 1972 at gumampan ng iba’t ibang tungkulin para sa rebolusyonaryong kilusan. Pormal siyang itinalaga bilang Internasyunal na Kinatawan ng National Demoratic Front of the Philippines noong 1977.
Noong 1989, itinalaga si Ka Louie bilang punong negosyador ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Mula noon, naging susing personahe si Ka Louie sa pagpirma ng mga kinatawan ng NDFP at GRP sa mga makabuluhang kasunduan. Pormal siyang bumaba sa pwesto noong 2016 at nagsilbing senior adviser sa negotiating panel mula noon.
Pulang saludo ng hukbong bayan
Nag-alay ng tahimik na 21-gun salute ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang pagpaparangal at pagpupugay kay Ka Louie noong Hunyo 12, alinsunod sa tagubilin ng Komite Sentral ng PKP. Binasa sa mga pagtitipong ito ang mensahe ng parangal sa kanya ng Komite Sentral.
Sama-samang binigkas ng mga Pulang mandirigma ang “Parangal at Panata kay Ka Louie.” Inilunsad rin sa Southern Tagalog ang “Kapehan” upang talakayin at dakilain si Ka Louie. Ayon kay Ka Maxie, isang upisyal sa pulitika ng BHB, “Makakaasa si Ka Louie na isasapuso at isasabuhay namin ang panata. Hindi masasayang ang kanyang buhay na inialay para sa rebolusyon at bayan.”
Nagparangal din kay Ka Louie ang mga panrehiyong balangay at alyadong organisasyon ng NDFP. Kabilang dito ang NDF International Office, CNL, Liga ng Agham para sa Bayan, Compatriots, Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid, Kabataang Makabayan, Lupon ng mga Manananggol ng Bayan, at Artista at Manunulat ng Sambayanan at Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan. Pinakamaraming pahayag ang nagmula sa mga organisasyong nakabase sa isla ng Negros, lupang tinubuan ni Ka Louie.
Ayon sa Komite Sentral, sa pagdadalamhati ng rebolusyonaryong kilusan sa pagpanaw ni Ka Louie ay matibay nitong ipinapangako na itutuloy ang kanyang pamana ng walang pag-iimbot na paglilingkod, walang hangganang kababaang-loob, rebolusyonaryong katapatan, at paninindigan sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tuluyang makamit ang tagumpay.
Lokal at internasyunal na pagkilala
Daan-daan ang dumalo sa pagtitipon-parangal na inilunsad ng Bagong Alyansang Makabayan para kay Ka Louie sa University of the Philippines-Diliman noong Hunyo 17. Nagsama-sama sa isang bulwagan ang mga kaanak, nakatrabaho at nakasama ni Ka Louie, mga beteranong aktibista at ang bagong salinlahi at mga kabataang tagapagmana ng iniwan niyang pakikibaka.
Kinilala at pinuri si Ka Louie ng kinatawan ng gubyerno ng Venezuela at Norway na nakiisa sa programa. Kinilala rin siya ng mga naging bahagi ng negotiating panel ng GRP sa nagdaang mga negosasyong pangkapayapaan.
Pinagpugayan si Ka Louie ng mga ligal na pambansa-demokratikong organisasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Itinuring nila si Ka Louie bilang mahusay na halimbawa ng walang pag-iimbot na pag-aalay ng buhay at lakas para sa adhikain ng sambayanang Pilipino.
Mula sa labas ng bansa, nagpahayag ng pagkilala kay Ka Louie ang mga partido at organisasyon mula sa Ireland, United States, Afghanistan, Germany, Turkey, Kurdistan at iba pang mga bansa. Para sa kanila, malaki ang ambag ni Ka Louie sa pagsusulong ng pandaigdigang kilusan ng mamamayan laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.