Pulang saludo kay Kasamang Luis Jalandoni, bayani ng masa, dakilang lider rebolusyonaryo

Nagpupugay ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), sampu ng masang kasapian nito sa kanayunan at kalunsuran, kay kasamang Luis “Louie” Jalandoni na pumanaw kamakailan.

Ipinapaabot namin ang aming mahigpit na mga yakap ng pakikiramay sa kanyang kabiyak, si Gng. Coni Ledesma na siya ring tagapagsalita ng Makibaka sa ibayong dagat. Gayundin sa kanilang anak at mga kamag-anakang nagmamahal sa kanya nang lubos.

Batid namin ang napakahalagang papel ni Ka Louie sa muling pagpapalakas ng suportang internasyunal para sa rebolusyonaryong kilusang Kababaihan lalo sa panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Sa panahon ito pinakawalan ng mga kontra-rebolusyonaryong elemento ang malawak na paninira sa buong rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng mga mamamayan sa ibang bansa, na may maitim na layuning putulin ang malakas na suporta sa pakikibaka ng sambayanan, kabilang ang masang kababaihan, para sa paglaya mula sa makaimperyalistang paghahari sa bansa.

Magkabalikat nilang ginampanan ito ng kanyang kabiyak na si Coni Ledesma, tagapagsalita ng Makibaka sa ibayong dagat at isa ring lider rebolusyonaryong tinitingala at hinahangaan ng malawak na masang kababaihan sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.

Si Ka Louie ay tunay na maituturing na isa sa mga dakilang lider sa kasaysayn ng rebolusyong Pilipino. Bukod sa kanyang maningning na rekord ng pag-oorganisa sa mga magsasaka sa Negros at mga manggagawa sa madilim na panahon ng diktadurang US- Marcos noong dekada 70-80, isa rin siyang mahusay na kadreng internasyunalistang nanguna sa pagbubuo ng mga mga ugnayang kapatiran ng rebolusyong Pilipinong kinakatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa iba pang mga progresibo, anti-imperyalista at/o mga rebolusyonaryong kilusan at mga estadong naninindigan laban sa imperyalismong US.

Sa pagtataguyod ni Ka Louie, katuwang ng iba pang mga kasama, sa usapang pangkapayapaan bilang isa pang larangan ng pakikibaka, nagkaroon ng pagkakataon ang iba’t ibang grupo ng kababaihan na ihapag ang kanilang mga kahigian para sa kanilang mga karapatan at interes, na siya ring naging batayan sa pagbubuo ng mga pangkakabaihang probisyon sa borador na kasunduan hinggil sa repormang sosyo-ekonomiko.

Isang tunay na tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan, lalo na ng kababaihang anakpawis si Ka Louie, na siyang naming batid sa matagal na pakikipagtulungan sa kanilang mag-asawa. Sina Ka Louie at Ka Coni ang modelo ng proletaryadong pamilyang nakabatay sa makauring pag-ibig at demokratikong relasyon sa pagitan ng mag-asawa habang masikhay na kumikilos, simpleng namumuhay at tuluy-tuloy na paglubog sa masa, saan man sila maitalaga. Taliwas sa dominanteng asal ng di pa nagpapanobagong-hubog na kalalakihan sa isang pyudal-patriyarkal na lipunan, taglay ni Ka Louie ang kababaangloob, pagrespeto sa iba, laluna sa kababaihan.

Tunay na isa sa mga higante ng rebolusyong Pilipino si Ka Louie. Isa siyang huwaran na komunistang magiging tanglaw at inspirasyon ng nakikibakang sambayanan, at sa masang kababaihang nakikibaka para sa ganap na paglaya mula sa lahat ng uri ng pagsasamantala’t kaapihan.

Mabuhay si Kasamang Luis Jalandoni !
Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyong may sosyalistang perspektiba!

Source link