Sa kabila ng mariing pagtutol ng mga residente, itinuloy ng Central Mindanao University (CMU), katuwang ang daan-daang pulis, ang marahas na demolisyon sa mga bahay ng mga magsasakang naninirahan sa Barangay Dologon Maramag, Bukidnon noong Hunyo 16. Ang mga residente ay kabilang sa Buffalo-Tamaraw-Limus (BTL) Multipurpose Cooperative at Musuan Inhabitants’ Landless Farmers Association (MILFA)
Tinawag ng tagapagalita ng BTL na si Herman Santillan ang demolisyon na “iligal” dahil nakasalang pa ang kanilang kaso sa korte. Hinainan ng “notice to vacate” ang komunidad noong Agosto 2024 pero nakaapela pa ito sa korte. Ayon kay Santillan, wala pang sagot ang Court of Appeals sa kanilang apela kaya hindi pa sila dapat palayasin sa lugar.
Sa takbo ng demolisyon, limang residente ang inaresto ng mga pulis matapos makiusap na anihin ang kanilang mga tanim na palay. Kabilang sa mga inaresto ang anak ni Santillan.
Daan-daang bahay ang winasak ng demolition team, na nag-iwan sa 1,566 magsasaka na walang matirhan. Sa kabila ng pakiusap ng mga magsasaka, walang awang tinraktor ang kanilang mga palayan, kahit malapit nang anihin ang mga pananim.
Iginawad sa mga magsasaka ng BTL ang lupa noong 1989, matapos ang ilang taon nilang pakikibaka sa Department of Agrarian Reform para saklawin ng CARP ang kanilang mga palayan. Sa taong iyon, ipinag-utos ng DAR ang pamamahagi ng 517 ektaryang produktibo nang lupa sa mga myembro ng BTL.
Pero noong 1992, pumabor ang Korte Suprema sa CMU at kinansela ang mga land ownership award ng mga magsasaka. Nananatili itong bukas na laban sa mga korte dahil sa maraming usaping hindi tinutugunan ng CMU at lokal na pamahalaan ng Bukidnon, kabilang ang relokasyon.
Noong Hunyo 14, bigla na lamang dumagsa ang mga pulis sa kanilang lugar sa pagdadahilang magbibigay ng “seguridad” sa bumibisitang undersecretary ng DAR. Ikinaalarma ito ng mga residente lalo’t nagsilbi itong paunang panggigipit sa mga residente sa bisperas ng demolisyon.