Nagprotesta ang mga grupong pambansa-demokratiko sa Senado sa Pasay City noong Hunyo 3 para batikusin ang sadyang pag-antala nito sa paglilitis sa naisumiteng kaso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nanawagan sila ng pananagutan sa senado at kagyat na pagsisimula ng paglilitis.
Noong Pebrero pa ipinadala ng House of Representatives sa Senado ang mga artikulo ng impeachment laban kay Duterte. Hindi bababa sa 240 kongresista ang pumirma at sumuporta sa ikaapat na reklamo ng impeachment laban sa bise presidente dahil sa patung-patong na mga dahilan. Pinangunahan ng anak ng Pres. Ferdinand Marcos Jr na si Sandro Marcos ang pag-endorso sa pang-apat na reklamo.
May pitong artikulo ang ikaapat na reklamo. Pangunahin dito ang “konspirasiya para patayin si Marcos, kanyang asawang si Liza Araneta at ang House Speaker Martin Romualdez.” Ginawa ni Duterte ang banta noong Nobyembre 23, 2024 sa gitna ng pagdinig ng anomalya sa paggastos niya ng confidential funds na inilaan sa kanyang upisina.
Ang iba pang batayan ay ang: korapsyon ng ₱615.5 milyon sa confidential funds; panunuhol at korapsyon sa Department of Education; di maipaliwanag na yaman at kabiguang isiwalat ang kanyang mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth; pagkakasangkot sa ekstra-hudisyal na pamamaslang sa Davao City, mga maniobrang destabilisasyon, kabilang ang pagboykot niya sa State of the Nation Address at pagharang sa mga pagdinig sa Kongreso; at “pangkalahatang kondukta” bilang bise presidente at pangalawang pinakamataas na upisyal ng bansa.
Isinagawa ang botohan sa huling araw ng regular na sesyon ng Kongreso. Nagawa ito isang buwan matapos maisampa ng ibang mga grupo ang tatlong reklamo sa impeachment. Ang pangalawa rito ay inihapag ng mga progresibong organisasyon at indibidwal at inendorso ng mga kinatawan ng mga party-list sa ilalim ng Koalisyong Makabayan.
Dahil lagpas sa sangkatlo ang nakuhang pirma, tulad sa nakasaad sa batas, diretso na itong ipinadala Senado. Sa ilalim ng Konstitusyong 1987, tatayong korte ang Senado para dinigin ang kasong impeachment. Matatanggal sa pwesto si Duterte kung boboto rito ang 16 (2/3) sa mga senador.
Ayon sa Bayan, ang pag-antala ng Senado sa paglilitis ay “nagsisilbi sa sarili, walang-hiya, at oportunistang maniobra ng mga pulitiko…para sa pampulitikang pagkakaligtas.” Malinaw umanong sagka sila sa panawagan ng taumbayan para sa transparency at pananagutan.
Hinimok ng Bayan ang mamamayan na magsagawa ng mga vigil at protesta para kundenahin ang pag-aantalang ito ng Senado at itulak ang kaagad na pabubukas ng impeachment court. “Magsisilbi itong paalala na ang paglaban sa korapsyon ay usapin ng karaniwang mamamayan na pinagkakaitan ng sapat na mga serbisyong panlipunan dahil ibinubulsa ng mga pulitiko ang pondo ng publiko,” saad ng grupo.
Samantala, naglabas ng nagkakaisang pahayag ang hindi bababa sa 204 na mga kinatawan ng iba’t ibang demokratikong sektor sa bansa. Kabilang dito ang 22 lider-relihiyoso, mga bantog na manunulat, lider-estudyante, mga aktibista at iba pa. Ikakasa nila, sa pangunguna ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA), ang isang malawakang demonstrasyon sa Hunyo 11, kasabay ng araw ng pagdinig sa Senado.
Hinimok rin ng University of the Philippines College of Law ang Senado na kaagad simulan ang paglilitis alinsunod sa konstitusyon ng Pilipinas.