“Kasalanan nina Marcos, Brawner, at Gilbert Teodoro kung bakit itinuturing na “proxy” ng US ang Pilipinas sa rehiyon ng ASEAN.” Ito ang pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP. “Nagpapakatuta sila sa mga dikta ng US, namamamalimos ng armas at ayuda sa gubyerno nito, at numero uno silang tagapagpatupad ng plano ng US sa rehiyon.”
Tumanggi man nang tumanggi si Gen. Romeo Brawner, hindi niya maipagkakailang siya’y “proxy general” ng isang “proxy na hukbo” na ginagamit ngayon ng US para manulsol ng gera laban sa China.
“Pulpol at purol ang pagdadahilan ni General Brawner at Secretary Teodoro na hindi sila proxy dahil sila’y Pilipino,” ani Valbuena. “Kaya nga sila tinawag na proxy dahil hindi sila Amerikano, pero utak Amerikano at nagpapagamit sa mga Amerikano sa sigalot nito sa China.”
“Tulad sila ni Zelensky, presidente ng Ukraine, na nagpapagamit na proxy ng US sa panggegera laban sa Russia gamit ang mga sandata at teknolohiyang bigay ng Kano,” dagdag pa ni Valbuena. “Ito ang pinagagawa ngayon ng AFP sa pagpapainit ng tensyon sa Taiwan.”
“Hindi bulag ang mga karatig-bansa natin sa ASEAN sa pagiging sunud-sunuran ng AFP at mga heneral nito sa direksyon at plano ng US,” ayon kay Valbuena. “Ginagamit tayo ng US bilang tambakan ng mga tropa at armas, bilang bahagi ng paghahanda sa gera, bagay na nagdudulot ng ligalig sa ating mga kapitbahay.”
Kahit ngayon, tatlong magkakasabay na war games ng US, isa katuwang ang Australia, ang nagaganap sa bansa para higpitan pa ang kontrol ng US sa AFP. “Tutol ang mamamayang Pilipino sa mga war games na ito. Dagdag sa dinadala nitong peligro sa mga Pilipino, salot pa ito sa residenteng napagkakaitan ng hanapbuhay para bigyan-daan ang mga pagsasanay,” ani Valbuena.
“Sabay-sabay ang mga Amboy na sina Marcos, Brawner at Teodoro sa pagbatikos sa mga barkong Chinese sa karagatan ng Pilipinas, pero tikom naman ang kanilang bibig kahit sinasaklot na ng mga tropang Amerikano hindi lamang ang karagatan, kundi pati ang kahanginan at kalupaan ng Pilipinas,” ayon kay Valbuena.