Patnubay de Guia | Spokesperson | NDF-Southern Tagalog | National Democratic Front of the Philippines
Walang pagsidlan ng kagalakang ipinagbubunyi natin ang ika-52 taong pagkakatatag ng NDFP bilang pinakakonsolidadong bag-as ng pambansang nagkakaisang prente. Sapul nang pagkakatatag nito, masugid at konsistente nitong pinukaw at pinakilos ang lumalawak na hanay ng sambayanang Pilipino na lumalaban sa paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo, at burukratang kapitalismo sa Pilipinas.
Mula nang pinasimulan ang mga paghahanda ng NDF Preparatory Committee para sa pagtatatag nito noong Abril 24, 1973–at sa gitna ng 14 na taong malupit na paghaharing lagim ng diktadurang US-Marcos Sr.– malayo na ang inabot ng NDFP sa pagbubuklod sa lahat ng demokratiko at patriotikong pwersa sa bansa para wakasan ang imperyalismo, pyudalismo at pasismo at para ihatid sa sambayanang Pilipino ang dakilang mensahe ng armadong pakikibaka.
Ngayon, binubuo ang NDFP ng 16 na magkakaalyadong organisasyong kumakatawan sa demokratiko at pambansang adhikain ng masang manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, pambansang minorya, maralita sa kalunsuran, guro, taong simbahan, sektor ng kalusugan, artista’t manunulat, mababang kawani, siyentista’t mananaliksik, abogado’t nasa ligal na propesyon, at mga migranteng Pilipino. Sa pamamagitan ng NDFP, nagkaroon ng daluyan ang pinakamalawak na masang Pilipino para magbuklod sa iba’t ibang lihim na rebolusyonaryong pangmasang organisasyon, magsagawa ng puspusang pagmumulat at edukasyon sa mamamayan sa mga simulain ng pambansang demokrasya, at magsulong ng iba’t ibang anyo at paraan ng paglabang hayag at lihim, ligal at iligal, at armado’t di armado para pahinain ang pampulitikang kapangyarihan ng lokal na mga naghaharing uri sa bansa.
Sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan (DRB), may tatlong sandata ang rebolusyong Pilipino–ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan, at ang pambansang nagkakaisang prente. Ang PKP ang nagsisilbing pang-ideolohiya at pampulitikang pinuno sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at nagkakaisang prente sa pamamagitan ng programa nito para sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Absolutong pinamumunuan ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing pangmasang organisasyon sa pag-agaw at pagdurog sa kapangyarihan ng estadong malakolonyal at pyudal. Tumutulong ito sa pagbubuo ng NDFP bilang pinakakonsolidadong pwersa ng pambansang nagkakaisang prente na para sa armadong pakikibaka.
Sa pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente, pangunahing binubuo at pinauunlad natin ang tatlong andana ng alyansa: ang batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka; ang progresibong alyansa ng mga batayang pwersa at ng petiburgesya; at ang patriyotikong alyansa ng mga progresibong pwersa at ng panggitnang burgesya. Sinasamantala din natin ang bitak at hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo sa pamamagitan ng isang mabuway at panandaliang alyansa para kabigin o nyutralisahin ang mga di gasinong reaksyunaryo’t palaban sa rebolusyon upang ihiwalay at patamaan ng pinakamariing bigwas ang pinakareaksyunaryong naghaharing pangkatin.
Sa pagsusulong ng tatlong andana ng pambansang nagkakaisang prente, pinakamahalaga ang pagpapalawak at pagpapalakas ng mga alyadong organisasyon ng NDFP bilang pinakakonsolidadong bahagi ng nagkakaisang prente na para sa armadong pakikibaka. Malaya nating maihehersisyo ang inisyatiba at kasarinlan sa loob ng nagkakaisang prente o alyansang pinapasok ng mga rebolusyonaryo sa iba pang positibong pwersa gayundin sa mga reaksyunaryo’t isang bahagi ng mga naghaharing uri kung malalim na nakabatay ito sa sarili nating lakas. Kabaligtaran naman ang maaaring mangyaring panganib na maging buntot lamang ang mga rebolusyonaryo kung wala itong sariling lakas sa pagpasok sa anumang alyansa.
Karanasan ang nagtuturo sa atin na kapag malawak at malalim na nakaugat ang mga lihim na selula ng mga alyadong organisasyon ng NDFP sa demokratikong kilusang masa, walang kaparis ang bilis at sinsin ng paglawak at paglakas nito para mobilisahin ang laksa-laksa hanggang milyong bilang ng mamamayan sa mga rali-demonstrasyon, welgang pang-ekonomya at pampulitika at mga mahabang martsa patungo sa mga kabiserang luklukan ng reaksyunaryong paghahari.
Ipinakikita ito ng pagbulwak ng mga pakikibakang masa bago at sa panahon ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970; asasinasyon kay Benigno Aquino noong 1983 na rumurok pag-aalsang Edsa at sa pagbabagsak sa diktadurang Marcos noong 1986, pagpapatalsik kay Estrada noong 2001 sa pamamagitan ng mga dambuhalang demonstrasyon sa Edsa at paligid ng Malakanyang; kilusang welga at mga welga ng bayan noong ikalawang hati ng dekada 80’s at maagang mga taon ng dekada 90’s; at malalaking demonstrasyon, kampong bayan at mahahabang martsa patungong punong kabisera bunga ng IDKP.
Dapat tayong matuto sa mga aral mula sa nasabing mga karanasan at mahigpit nating hawakan ang mga rebolusyonaryong prinsipyo na naghatid sa kilusan sa malalaking pagsulong at tagumpay. Higit na kailangang lagumin ang mga karanasang ito sa gitna ng isinusulong na kilusang pagwawasto upang muling bawiin ang mga bahaging humina ang kilusan at makahakbang tungo sa panibagong pagpapalakas sa buong kapuluan.
Tungkulin ng mga alyadong organisasyon ng NDFP na ipadala sa kanayunan at sa hukbong bayan ang pinakamasisigasig nilang kasapi upang maglingkod sa armadong pakikibaka bilang mga kadreng pampulitika, Pulang kumander at mandirigma, at mga organisador ng mamamayan sa digmang bayan. Tungkulin din nilang patuloy na buuin at palawakin ang kilusang lihim sa kalunsuran bilang golugod ng hayag at ligal na demokratikong kilusang masa.
Sa okasyon ng dakilang araw na ito, lipusin natin ang ating mga sarili ng panatang “ikalat sa buong kapuluan ang mensahe ng demokratikong rebolusyong bayan at palagablabin ang digmang bayan sa lahat ng sulok ng bayan.”
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Isulong ang armadong pakikibaka!
Mabuhay ang rebolusyon at sambayanang Pilipino!
The post Ipagbunyi ang Ika-52 Taon ng Pagkakatatag ng NDFP! Palagablabin ang Sulo ng Demokratikong Rebolusyong Bayan sa Buong Kapuluan hanggang sa Tagumpay! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.