Ang Bayan Ngayon » 36,000 manggagawang pangkalusugan sa New Zealand, magwewelga sa Hulyo 31

Inianunsyo ng New Zealand Nurses Organisation Tōpūtanga Tapuhi Kaitiaki o Aotearoa (NZNO) noong Hulyo 11 ang pagboto ng kanilang mga kasapi para maglunsad ng isang 24-oras na welga. Itinakda ang welga sa darating na Hulyo 30 hanggang Hulyo 31 bilang panawagan sa Te Whatu Ora (Health New Zealand) na tugunan ang malaking kakulangan sa istap at tauhan ng mga ospital at pasilidad pangkalusugan sa bansa.

Napahayag ng suporta at pakikiisa sa NZNO ang Alliance of Health Workers (AHW) ng Pilipinas sa nakatakdang welga. “Lubos naming nauunawaan ang inyong pakikibaka, dahil kami rin ay nahaharap sa isang katulad na krisis dito sa Pilipinas,” ayon sa AHW.

Ibinahagi ng grupo ng mga manggagawang pangkalusugan ng Pilipinas na ang mga ospital at pasilidad pangkalusugan sa bansa ay kulang din sa tauhan, na patuloy na nagpapahina sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan. “Ang krisis na ito ay umabot na sa isang kritikal na punto,” pahayag ng AHW.

Binunuo ang ng hindi bababa sa 36,000 mga nars, kumadrona, katulong ng mga manggagawang pangkalusugan at kaimahi hauora (terminong Māori). Nasa proseso ito ng pakikipagtawaran para sa bagong collective bargaining agreement sa gubyerno ng New Zealand na nagsimula noong Setyembre 2024.

Ayon kay NZNO Chief Executive Paul Goulter, mas masahol ang alok ng Health New Zealand noong nakaraang linggo kumpara sa alok nila noong Mayo.

“Nanganganib ang mga pasyente dahil sa kakulangan ng tauhan. Sobrang nababatak at hindi na nakapagbibigay ng tamang pangangalaga na kailangan ng mga pasyente ang mga nars, kumadrona, at mga katulong sa pangangalagang pangkalusugan,” ayon kay Goulter. Paliwanag pa niya, nakapanlulumo ang ganitong sitwasyon para sa mga manggagawang pangkalusugan.

Liban sa karagdagang mga tauhan, panawagan ng mga nars at manggagawang pangkalusugan ang mas malaking sweldo, mas maunlad na kalagayan sa paggawa, at iba pang benepisyo at karapatan.

“Kakampi ninyo kami sa inyong laban para sa ligtas na bilang ng mga tauhan at patas na sahod,” pakikiisa ng AHW sa NZNO.

Sa Pilipinas, pinapangunahan ng AHW ang laban ng mga manggagawang pangkalusugan para sa mga alawans at benepisyong hindi pa ibinibigay ng rehimeng Marcos, mas mataas na sweldo at iba pang karapatan.

Source link