2 tinanggal na manggagawa ng Nexperia, naigiit na ibalik

Matapos ang ilang buwang paggigiit at pagsasampa ng kaso sa Department of Labor and Employment (Dole), naipanalo ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU) ang pagpapabalik sa trabaho ng dalawang manggagawa ng kumpanya na iligal na tinanggal ng kapitalista. Inilabas ng Dole ang desisyon noong Agosto 18.

Ang dalawang manggagawa ay sina Antonio Fajardo at Marvel D. Marquez, mga upisyal ng unyon. Ayon sa desisyon, dapat maibalik ang dalawa sa kanilang dating pusisyon, panatilihin ang kanilang seniority rights, at bayaran ang lahat ng hindi nila natanggap na sahod at benepisyo mula Marso 10 hanggang sa kanilang pagbabalik-trabaho.

Tinangal sina Fajardo at Marquez, kasama ang pangulo ng NPIWU na si Mary Ann Castillo at isa pang upisyal ng unyon, noong Disyembre 17, 2024 sa paratang ng “pagharang” sa paglabas-masok ng mga produkto sa kumpanya. Taliwas dito, ang mga upisyal ay simpleng nagbibigay ng apdeyt sa mga myembro hinggil sa mga isyung may kinalaman sa noo’y negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA).

Sa panahon ng pagsistante sa apat, naniniwala ang unyon na ganti ito ng kapitalista kasunod ng pagsasampa ng mga manggagawa ng “notice of strike” noong Disyembre 10, 2024 dulot ng isang taon nang pag-antala ng kumpanya at deadlock sa negosasyon para sa bagong CBA.

Ang pagtanggal sa apat na manggagawa at pambabarat ng Nexperia sa CBA ng unyon ang naging mitsa ng apat na araw na welga ng mga manggagawa noong Marso 5 hanggang Marso 8. Nakamit sa welga ang pagbabalik sa trabaho ng dalawang lider ng unyon, dagdag-sahod at benepisyo, at kasunduan na ang pagbabalik sa dalawa pang manggagawa ay idadaan sa desisyon ng Dole.

“Nauna nang tinamasa ang tagumpay noong pagsasara ng welga noong Marso 8, 2025 nang maibalik ang dalawang opisyal kabilang ang Pangulo at PRO ng unyon. Ngayon, higit pang nalubos ang tagumpay ng welga matapos ang desisyong nag-uutos na ibalik din ang dalawa pang opisyal na tinanggal,” pahayag ng NPIWU.

Anang unyon, ang mga ito ay patunay na sa pagkakaisa ng manggagawa, nakakamit ang tagumpay at isa sa pinakamabisang sandata para rito ay ang welga.

Nagpaabot ng pagbati sa unyon at mga manggagawa ng Nexperia ang sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) at Metal Workers Alliance of the Philippines. “Sa mga manggagawa ng Nexperia, patuloy nating panghawakan ang maniningning nating tagumpay at mangahas na iabante ang laban para sa sahod, benepisyo, at karapatan!” ayon sa KMU.

Samantala, iniulat ng sentron unyon na nananatiling hindi pa rin napipirmahan ang CBA ng unyon at maneydsment ng Nexperia dahil sa patuloy na pagtatangka ng kapitalista na baguhin ang ilang mga napagkasunduan na sa ground rules sa simula ng negosasyon. Patuloy ding hinaharang ang pagbabayad ng mga benepisyong dapat nang matanggap mula pa 2024, anang grupo.

Nanawagan ang KMU sa lahat ng mga unyon at manggagawa sa bansa na patuloy na makiisa sa laban ng mga manggagawa ng Nexperia hanggang makamtan nila ang lahat ng kanilang kahingian.

Source link