Sa lapit na limang metro, pinaputukan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Leyte Island (Mt. Amandewin Command) ang nag-ooperasyong tropa ng 14th IB sa bayan ng Javier, Leyte noong Oktubre 15, alas-7 ng umaga. Ayon sa yunit, marami ang naitalang kasawlti sa mga berdugong sundalo ng rehimeng Marcos.
Ang yunit ng 14th IB na nasa erya ay nagsasagawa noon ng combat-clearing operations sa mga burol at ilog sa pagitan ng Barangay Odiong at Barangay Caraye sa Javier. Parte ang operasyon ng malawakang operasyong kombat ng 14th IB sa mga barangay na saklaw ng mga bayan ng Javier at Abuyog.
“Ang atritibong aksyon ng BHB ay patunay na nagpupunyagi ang mga Pulang mandirigma at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Leyte,” pahayag ni Ka Dodong Malaya, tagapagsalita ng BHB-Leyte Island. Aniya, napapawalang-saysay ng BHB-Leyte ang mga atake ng 802nd IBde dahil sa pagtangan sa linyang masa at pagpapaunlad sa taktikang gerilya.
Pinasalamatan rin ng BHB-Leyte Island ang lubos na suporta ng masa sa isla sa hukbong bayan at pagtuwang sa kanila sa pagsasagawa ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pasistang tropang may inutang na dugo sa kanila.
Isang araw makalipas ang armadong aksyon, wala pang inilalabas na pahayag o ulat ang 14th kaugnay ng naturang pag-atake. Karaniwang taktika ng militar ang pagtatago sa mga labanan laluna kung naitatala sa hanay nito ang maraming kaswalti.
Sa prubinsya ng Leyte, nasa 17 bayan at syudad na ang idineklara ng rehimeng Marcos noong Hunyo na nasa kategoryang Stable Internal Peace and Security Condition (SIPSC) o insurgency-free. Bagaman hindi kabilang dito ang bayan ng Javier, marami sa mga katabing bayan at syudad nito ang nasa listahan.











