Kinundena ng Anakbayan-Ilocos ang inilunsad na 10-araw na AFP Joint Exercise (AJEX) Dagat, Langit at Lupa (DAGITPA) war games ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga prubinsya ng Ilocos Region at iba pang bahagi ng Luzon noong Nobyembre 4 hanggang 14. Ang mga aktibidad militar ay inilunsad ng AFP habang binabayo ang malaking bahagi ng Pilipinas ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan.
Ayon sa grupo ng kabataan, walang ibang idinulot ang war games kundi panganib at kapahamakan sa mamamayan ng Ilocos. Ang rehiyon ay karaniwang ginagamit ng AFP bilang lunsaran ng mga war games, laluna ng mga aktibidad na kasama ang dayuhang tropang militar tulad ng US.
Anang grupo, bahagi ang mga ito ng isinusulong ng imperyalistang US na “paghahanda at paghahamon” ng gera sa karibal nitong imperyalistang China. Dagdag din ito sa paggamit ng US sa rehiyon at sa buong Pilipinas bilang isang malaking base militar, imbakan ng armas, at pambala sa kanyon.
Naniniwala ang grupo na nauudyok lalo ang China na gipitin ang Pilipinas dahil nagtutuluy-tuloy ang ehersisyong militar katulad ng AJEX DAGITPA, mga war games na kinasasngkutan ng dayuhan tulad ng Balikatan at Kamandag.
“Naiipit ngayon ang Pilipinas sa ribalan sa pagitan ng dalawang imperyalistang bayan. Para tayong naiipit sa dalawang dambuhalang batong nag-uumpugan,” ayon sa Anakbayan-Ilocos.
Pangamba ng grupo, kung magtatagumpay ang US sa pang-uupat ng gera sa China ay mpapahamak ang mga komunidad sa Ilocos dahil sa lapit sa West Philippine Sea at sa mga base militar ng US. Mawawasak dahil dito ang mga komunidad ng magsasaka at mangingisda sa rehiyon.
Nanawagan ang Anakbayan-Ilocos sa kapwa kabataang Pilipino na ilantad at tutulan ang pang-uudyok ng gyera ng US. Kasama dito ang pagbatikos sa walang tigil na mga war games, pagtatayo ng base at pasilidad militar, paglalagak ng mga armas at iba pa.
Sa halip na pakikidigma, itinutulak ng grupo ang mapayapang paraan ng paglutas sa mga sigalot ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea. Panawagan ng grupo: “Itigil ang tuluy-tuloy na ehersisyo militar! Palayasin ang lahat ng base militar ng US sa bansa!”











