Iwinawagayway ang mga bandilang bahaghari at taas-kamaong nagmartsa ang daan-daan myembro ng sektor ng LGBTQ+, mga alyado at progresibong grupo noong Hunyo 26 sa Stonewall Philippines Pride March na ginanap sa Recto Avenue, Maynila. Nakipaggitgitan sila sa mga pulis para igiit ang paglulunsad ng programa sa Mendiola.
Sa pangunguna ng pambansa-demokratikong grupo ng mga LGBTQ+ na Bahaghari, binuo ng mga pormasyong Pride (nagdiriwang sa buwan ng Pride) ang Stonewall Philippines. Pormal na idineklara ng bagong samahan ang taun-taong pamumuno sa militanteng mga aktibidad at martsa para sa Pride tuwing Hunyo.
Pagsaludo at pagsasabuhay ang Stonewall Philippines sa kauna-unahang Pride March sa Pilipinas at maging sa Asia—ang Stonewall Manila na inilunsad noong Hunyo 26, 1994 sa Quezon City. Pinangunahan ang militanteng martsa at mitsa ng ilang dekadang pakikibaka ng LGBTQ+ ng Progressive Organization of Gays in the Philippines (ProGay), katuwang ang Metropolitan Community Church (MCC).
Kasabay ng panawagan laban sa diskriminasyon sa LGBTQ+ at pagtataguyod sa mga karapatan ng sektor, tumindig sila noon laban sa pahirap na Value Added Tax (VAT), pagtaas ng presyo ng langis at bilihin at inilantad ang mga anti-mamamayang patakaran ng noo’y rehimeng US-Ramos.
Tatlumpu’t isang taon ang nakalipas, ipinapanawagan ngayon ng sektor ang pagsasabatas sa SOGIE Bill, nakabubuhay na sahod, trabaho, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, at independyenteng patakarang panlabas, kalayaan para sa Palestine at mga bansang inaapi ng US. Pinagpugayan nila ang mga martir ng sektor ng LGBTQ+ na nagsilbing mga organisador at aktibista tulad nila Alex Dolorosa, Chad Booc, Ryan Hubilla, Ali Macalintal at marami pang iba.
Lumahok sa pambansa demokratikong rebolusyon
Nagpahayag ng pakikiisa at pagpupugay ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) sa sektor ng LGBTQ+ sa pagdiriwang ng Pride noong Hunyo. Hinimok ng grupo ang sektor na makipagkaisa at direktang lumahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon na tunay at tuluyang hahawan ng landas para sa ganap na paglaya ng LGBTQ+ kasama ang mamamayang api’t pinagsasamantalahan.
Kaugnay nito, nagbabala ang grupo na maging mapagbantay sa pananabotahe at panlalansi ng imperyalismo at lahat ng reaksyon sa pakikibaka ng LGBTQ+ at pagdiriwang sa buwan ng Pride. Anang Makibaka, nilalabusaw ng imperyalismo ang pagdiriwang para ilayo ang LGBTQ+ sa pakikibaka laban sa diskriminasyon, at pambansang pang-aapi at pagsasamantala.
Sinasamantala ng malalaking korporasyon at mga pulitiko ang pagdiriwang sa Pride. Habang ipinatutupad ng mga ito at ng imperyalistang US ang mala-pyestang Pride, patuloy ang pagpapanatili ng mga batas at pakataran sa ekonomya at pulitika na lalong nagbabaon sa mga LGBTQ+ mula sa masang anakpawis sa kumunoy ng kawalan ng hanapbuhay o disenteng trabaho at nagtutulak sa kanila sa mga anti-sosyal na mga aktibidad upang mabuhay.
Isang manipestasyon nito ang “rainbow washing” o “rainbow capitalism.” Nangangahulugan ito ng paggamit sa mga simbolo at wika ng sektor ng LGBTQ+ para kumita ng mas malaki ang mga korporasyon.
Nanawagan rin ang grupo na maging kritikal ang Pilipinong mga LGBTQ+ sa pangkulturang opensiba ng imperyalistang US sa kaisipan at gawi ng masa. Ipinalalaganap ng imperyalismo ang burges-dekadenteng kultura tulad ng maling pamantayan ng kagandahan at iba pang pamantayan ng pagiging LGBTQ+. Itinatampok rin nito ang indibidwalismo at hypersexuality.
Sa harap ng mga tangkang ito ng imperyalismo, hinamon ng Makibaka ang mga nasa sektor ng LGBTQ+ na bagtasin ang landas ng walang pag-iimbot na pag-aalay ng panahon at buhay para sa pambansa demokratikong rebolusyon, lagpas sa kanilang mga sarili.
Dapat tularan ang halimbawa ng mga namartir na Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan kabilang sina Val Mante (Ka Richard), Daniel Imperial, Wanda Gumban (Ka Waquin), Kevin Castro (Ka Facio), Jo Lapira (Ka Ella), Ciela Pacaldo (Ka Alena), Jethro Isaac Ferrer (Ka Pascual), Kal Peralta (Ka Rekka), Queenie Daraman (Ka Kira), Dee Supelanas (Ka Dahlia), at marami pang iba. Dapat pagpugayan ang pag-aalay nila ng lakas, talino, katapangan at buhay para sa masa at iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain.