Noong Hulyo 1, naglabas ang Korte Suprema ng Pilipinas ng writ of kalikasan laban sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Samal Island Protected Landscape and Seascape Protected Area Management Board, at China Road and Bridge Corporation. Ang desisyong ito ay tugon sa petisyon na inihain ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, kabilang sina Carmela Marie Santos, Mark Peñalver, at ang Sustainable Davao Movement (SDM), para ipatigil ang konstruksyon ng Samal Island-Davao City Connector (SIDC) Bridge dahil sa seryosong banta nito sa mahahalagang ekosistema sa karagatan.
Ang SIDC ay isang 4.76-kilometrong tulay na magdudugtong sa Samal Island sa Davao City at hahalili sa byaheng ferry na naghahatid ngayon ng mga pasahero sa pagitan ng dalawang lugar. Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱23.52 bilyon at pangunahing pinopondohan ng Official Development Assistance ng China. Iginawad ang proyekto sa kontratista nitong Chinese sa panahon ng rehimeng Duterte.
Mula’t sapul, mariin nang tinututulan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan ang proyekto dahil sa pipinsalain nito ang Paradise Reef sa Samal Island at Hizon Marine Protected Area sa Davao City. Parehong mahahalagang lugar sa ekolohiya ng Davao Gulf ang dalawang lugar.
Ang petisyon, na inihain noong Abril 21 ng SDM kasama ang Ecoteneo, Interfacing Development Interventions for Sustainability (IDIS), at Dyesabel Philippines, ay naggiiit na ang konstruksyon ng tulay ay labag sa konstitusyonal na karapatan sa isang balanse at malusog na ekolohiya. Ayon sa 212-pahinang petisyon, ang Paradise Reef, na sumasaklaw sa 15,000 metro kwadrado at habitat ng 70% hard rock corals, ay isa sa mga huling malinis (pristine) na reef sa Davao Gulf. Malaki ang papel nito sa pagpaparami ng huling isda, laluna sa Hizon Marine Protected Area. Noong 2018, tumaas pa nang 30% ang nahuhuling isda sa lugar.
Nakasaad sa petisyon na ang offshore borehole drilling, paglalagay ng craneway, at iba pang aktibidad na ginawa ng kontraktor ng SIDC ay nagdulot na ng malaking pinsala. Kabilang sa mga pinsalang ito ang pagkamatay ng 33% sa coral sa Paradise Reef, alinsunod sa ulat ng marine biologist na si Dr. John Lacson. Ang mga aktibidad na ito, ayon sa petisyon, ay labag sa mga batas tulad ng Expanded National Integrated Protected Areas System Act, Wildlife Resources Conservation and Protection Act, at Comprehensive Land Use Plan ng Davao City.
Kinakatawan ng mga abugadong pangkalikasan na sina Antonio La Viña at Dean Manuel Quibod ng Ateneo de Davao University ang mga petisyuner. Anila, ang mga petisyuner ay hindi tutol na magkaroon ng tulay patungong Samal Island. Hinihiling lamang nilang baguhin ang lokasyon nito para maiwasan ang karagdagang pinsala sa ekolohiya. Anila, may mga iregularidad ang iginawad ng DENR na Environmental Compliance Certificate dahil hindi nito kinilala ang mga lugar na dapat may proteksyon laban sa pagkawasak. Binigyang-diin din ng petisyon ang epekto ng proyekto sa kabuhayan ng mga lokal na mga mangingisda na nag-ulat na ng 50% na pagbaba sa huli dahil sa siltation at polusyon mula sa mga aktibidad sa konstruksyon.
Inatasan ng Korte Suprema ang mga respondent na magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw. Ipinasa din ng korte ang kahilingan para sa Temporary Environmental Protection Order (TEPO) sa Court of Appeals sa Cagayan de Oro. Kung maipapasa, maaaring iutos ng TEPO ang pansamantalang paghinto sa konstruksyon, na nagbibigay sa mga tagapagtaguyod tulad ng SDM ng pagkakataon na itulak ang nakikita nilang alternatibo. Maari rin itong magbigay-daan sa pag-uutos ng Temporary Restraining Order sa buong proyekto.