Walang-sawang batikusin ang sunud-sunod at walang katapusang war games ng US—CPP

Mariing binatikos ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang patung-patong at walang patlang na mga war games ng US sa kargatan, kalupaan at kahanginan ng Pilipinas.

Katatapos pa lamang ng Kasangga war games sa Mindanao, agad na sinimulan ng militar US ang Cope Thunder 2025 para sa pagsasanay ng mga eroplanong pandigma nito hindi lamang sa teritoryo ng Pilipinas, kundi maging sa malawak na South China Sea, kung saan nakaabang naman ang mga pwersa ng karibal nitong China.

Ang walang humpay na mga war games ng US, na tinatago sa likod ng “defense cooperation” at “interoperability,” ay walang iba kundi paghahanda sa isang malaking digmaan. Ginagawang lunsaran at pambala ng US ang Pilipinas para sa girian nito sa China. Pinapasan nito sa mga Pilipino ang bigat ng kanilang tunggalian. Di tulad sa ibang bansa sa Southeast Asia, buung-buong ginagampanan ng mga tuta ng US ang tungkulin nito sa rehiyon.

“Ginagamit ng imperyalismong US ang mga base militar nito sa Pilipinas para isagawa ang mga war games na ito upang nanunulsol ng kumprontasyon sa China,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP.

“Unti-unting itinataas ng militar ng US ang tindi at dalas ng mga war games na ito upang gawing manhid ang mga Pilipino sa presensya ng mga tropang Amerikano, na tahasang yumuyurak sa soberanya ng Pilipinas at umaapak sa kanilang dangal,” ani Valbuena. “Nais ng US na masanay ang mga Pilipino sa pagpapakitang gilas ng mga sandatang panggera ng US upang hindi nila mapansin kung papaanong palapit nang palapit na itinutulak ang bansa sa bingit ng totoong gera ng US laban sa China.”

“Kung kaya hindi dapat magsawa ang mga Pilipino sa pagtindig, pagtutol, at pagbatikos sa walang-katapusang mga war games ng US sa Pilipinas, sa lihim na pagpupwesto ng US ng mapangwasak na mga sandatang panggera nito, sa presensya ng libu-libong mga tropang Amerikano at sa paggamit sa bansa bilang lunsaran ng kanilang imperyalistang gera,” dagdag ni Valbuena.

“Pariah o kinamumuhian sa Southeast Asia ang Pilipinas dahil pinahihintulutan ng tuta ng Amerikanong gubyernong Marcos ang kanyang imperyalistang amo na gamitin ang bansa para sa panunulsol ng gera sa rehiyon,” ayon kay Valbuena.

“Talagang nakapopoot ang pagpapakatuta sa US ni Marcos, at ng nagtatapang-tapangang kalihim sa depensa nito na si Gilbert Teodoro at General Brawner, na parehong gaya-gaya sa lahat ng sinasabi ng amo niyang Kano,” giit ni Valbuena. “Ipinamamalas nila sa buong mundo na ang AFP ay mersenaryong hukbo ng US, na ipinangsusupil sa makabayang paglaban ng mga Pilipino, at kinakasangkapan sa panunulsol ng gera sa China.”

“Peke ang tinatawag na ‘mutual defense,’ na kuno’y balot sa bakal,” ayon kay Valbuena. “Ang walang katapusang mga war games—Balikatan, Kasangga, Kamandag, Cope Thunder, at iba pa—ay para sa sariling interes ng US at wala itong pakialam sa mahigit 100 milyong Pilipino na tiyak na magdurusa sa isang brutal at lubhang mapaminsalang digma sa pagitan ng dalawang imperyalista.”

“Hindi dapat payagan ng sambayanang Pilipino ang papet na rehimeng Marcos na isakripisyo ang milyun-milyong Pilipino sa altar ng mga digmaang agresyon ng US,” ayon kay Valbuena.

“Dapat palayasin sa pinakamadaling panahon ang mga tropa, sandata at base militar ng US sa Pilipinas, itulak ang tunay na nagsasariling patakaran panlabas na nagbubukas sa mahinahong paglutas sa mga sigalot, at labanan ang imperyalistang gera ng US upang bigyang-daan ang mapayapang pakikipamuhay ng mga mamamayan sa Southeast Asia at iba pang bahagi ng mundo,” pagtatapos ni Valbuena.

Source link