NPA-Aurora (Domingo Erlano Command) | Central Luzon Regional Operational Command (Josepino Corpuz Command) | New People’s Army
Buong lakas na nilalabanan at tinututulan ng Domingo Erlano Command-NPA Aurora ang tahasang paglabag at paglapastangan ng imperyalistang US sa soberenya ng Pilipinas. Habang nagmamalinis ang US na kakampi sila ng Pilipinas at inuudyakan ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) at pinalalabas nila na tanging ang China lamang ang agresibong nanghihimasok sa ating katubigan, ay pataksil naman nitong isinasagawa ang mga joint clearing operations sa likod ng Balikatan Exercise 2025 laban sa mga rebolusyonaryong mamamayan at New People’s Army.
Noong unang linggo ng Abril ay dumaong sa pantalan ng Dingalan, Aurora ang dalawang barko ng US at Pilipinas na Philippine Navy vessel BRP Waray (LC288) at ang United States Army Vessel (USAV) SSGT Robert T Kuroda (LSV-7). Naglululan ito ng mga tropang Pinoy at Kano para sa Balikatan CJSLOTS o Combined Joint Logistics Over-the-Shore. Nagkulmina ang kanilang mayor na aktibidad noong Abril 9 sa pagdating ng kanilang matataas na upisyal na sina Major General Franciso Lorenzo Jr PA, Commander of Armed Forces of the Philippines Education, Training, and Doctrine Command (AFPETDC), at Brigadier General Michael Logico PA, Deputy Commander of Philippine Army’s Training Command.
Layunun diumano ng Balikatan CJSLOTS na mapalakas ang bilateral na interoperability at logistical readiness ng magkaparehong bansa sa usaping pandagat. Subalit hindi natapos ang kanilang joint exercises noong Abril 9 at palihim nilang isinasagawa ang joint clearing operations bago pa man ang Abril 9 at hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa mamamayan, hanggang sa ngayon ay nakadaong ang dalawang barko sa Barangay Paltik sa bayan ng Dingalan, Aurora at naglulunsad ng clearing operations maging sa Umiray, Dingalan hanggang sa General Tinio sa Nueva Ecija at Bulacan. Ayon sa kanila, isang buwan nang apektado ang kanilang kabuhayan bago pa man ang Balikatan CJSLOTS dahil sa clearing operations. Pinagbabawalan silang pumunta sa kanilang mga kaingin at lugar pangalapan ng pagkain at nagpapatuloy ito hanggang sa ngayon. Nakikita rin nila ang maraming tropang Kano na kasama sa clearing operations na nagdudulot sa kanila ng ibayong takot at pangamba. Nakita din nila ang ilang bilang ng tropang Kano sa Sityo Singawan sa Barangay Umiray at ang ilan naman ay inihatid sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan.
Mariing pahayag ng NPA-Aurora, “Dapat natin itong ilantad at labanan kasama ang mamamayang rebolusyonaryo at mga mapagmahal sa ating bayan. Direktang panghihimasok ito sa ating teritoryo na tumatarget sa rebolusyonaryong mamamayan at soberenya sa layuning tugisin ang NPA at mga base nito na siyang direktang lumalaban sa kanilang neo-kolonyal na paghahari. Labag ito maging sa Saligang Batas ng reaksyonaryong GRP na hindi dapat pinapayagan. Dapat na hamunin ng mamamayang patriyotiko ang mga kandidatong senador, kongresista at mga lokal na huwag pahintulutan ang mga Balikatan Exercises sa kanilang mga lugar at sa buong bansa. Dapat na kundenahin at singilin ang rehimeng Marcos sa pagpapakatuta’t pagpapagamit sa US sa plano nito na upatan ang gyera sa Indo-Pacific laban sa pangunahing karibal nitong China. Kailangan nating maging mapagbantay lalu na at umaayon ang deployment ng US sa bansa sa tabing ng mga Balikatan Exercises, batay sa mga ipinahayag ni US Defense Secretary Pete Hegseth. Ito ay walang iba kundi ang pagpapatindi ng paghahanda sa gyera laban sa China na itinuring ni Donald Trump at ng US na pangunahin nilang kalaban sa daigdig. Huwag nating hayaang maiipit tayo sa girian na maaaring mauwi sa gyera ng dalawang imperyalistang bansa. Dapat na labanan ng sambayanan ang inter-imperyalistang gyera at malakas na ipanawagan ang Bigas, Lupa, Sahod, Hindi Gyera! Sama-sama nating ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan upang tuluyan nang lumaya sa kontrol ng Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo!”
The post Tutulan at Labanan ang Direktang Panghihimasok ng US sa tabing ng Balikatan Exercises 2025 appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.