Isang aktibong ahente ng pasistang 93rd Infantry Battalion at traydor sa kapwa magsasaka si Jesus Sarcilla, ang indibidwal na ipinalalabas ng militar na “walang-awang” pinaslang ng Bagong Hukbong Bayan-Leyte Island (Mt. Amandewin Command) noong Disyembre 2021.
Nagsisinungaling ang 8th Infantry Division sa pagpinta kay Sarcilla bilang isang kaawa-awang sibilyan. Katunayan, responsable siya sa dalawang insidente ng pagpapareyd sa mga yunit ng BHB. Gumampan din siya ng susing papel sa pagkakapaslang at pagpapahuli ng ilang mga kasama at masa. Lansakan niyang pinagtaksilan ang kapwa niya magsasaka at ang kilusan kapalit ng salaping ibinayad sa kanya ng NTF-Elcac.
Dati ring pinatalsik si Sarcilla bilang lider ng samahan ng magsasaka sa Barangay Binibihan, Carigara. Napag-alamang inangkin niya ang mga materyales at pasilidad na natanggap ng kanilang organisasyon bilang ayudang pangkalamidad.
Ipinataw ng mga operatiba ng BHB-MAC ang parusang kamatayan kay Sarcellana matapos mapatunayan ng masusing imbestigasyon na walang-dudang totoo ang mga paratang sa kanya. Ipinatupad ng BHB ang desisyon ng Demokratikong Gubyernong Bayan bilang tugon sa panawagan ng mamamayan para sa rebolusyonaryong hustisya laban sa mga may utang na dugo sa kanila. Tinitiyak ng BHB na sa kondukta ng anumang misyon ay binibigyan ng pinakamataas na pagpapahalaga ang kaligtasan ng mga sibilyan.
Kinukundena ng BHB-MAC ang pambabaluktot ng 8th ID sa katotohanan, sa tangkang siraan sina Ka Rey, Ka Dimple at Ka Dodong upang bigyang-matwid ang walang-awang pagmasaker ng 93rd IB sa kanila. Labis na ipinagdadalamhati ng masa ang kanilang pagkawala; kinamumuhian nila ang militar sa pagpatay sa mga kasama at sa paglapastangan sa kanilang alaala.
Nananawagan ang BHB-MAC sa publiko na hindi agad na magpapaniwala sa mga kasinungalingan ng pasistang militar.