Terminal ng traysikel sa tapat ng PUP, mapapalayas sa pagpapalawak ng PNR

Tinutulan ng mga drayber ng traysikel at estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Sta. Mesa ang planong pagpapalayas sa terminal ng Hipodromo Tricycle Operators and Drivers Associations (HI-TODA) sa tapat ng kampus para magbigay daan sa pagpapalawak ng Philippine National Railways (PNR). Inianunsyo nitong babakuran ang pwesto ng terminal ng TODA noong Hunyo 16.

Para labanan ang plano, naglunsad ng pulong at konsultasyon ang mga pormasyon ng PUP sa pangunguna ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan PUP at kinatawan ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa TODA noong Hunyo 14. Ibinahagi ng TODA na nakatanggap na lamang sila ng biglaang utos na umalis sa pwesto nang walang paunang abiso, konsultasyon o paglilipatan sa terminal.

Maaapektuhan at mawawalan ng kabuhayan ang hindi bababa sa 132 drayber kung matutuloy ang pagpapalayas. Maapektuhan din nito ang mga komunidad at estudyante sa palibot ng PUP dahil bumabyahe ang TODA sa Teresa, Pureza, at iba pang mga sakop na lugar.

Lumitaw sa pulong na sinisingil ang TODA ng “utang” na ₱1.5 milyon bilang kabayaran sa upa sa pwesto. Sinasabing naipon umano ito noong panahon ng pandemya na walang pasada at hindi nagagamit ang terminal. Dating nagbabayad ang TODA ng upa na ₱25,000 kada buwan, na pinaghahati-hatian ng mga myembro (₱512 kada yunit ng traysikel).

Binuo sa konsultasyon ang mga hakbang ng TODA at mga estudyante para pigilan ang plano. Sa tulong ng NUPL, magsusumite sila ng isang pormal na sulat sa pamunuan ng PNR para kwestyunin ang batayan at ligalidad ng pagbabakod sa kanilang pwesto. Kukwestyunin rin nila ang sinasabing ₱1.5 milyon utang.

Nanawagan din ang TODA na sakaling ipatupad na kaagad ang pagbabakod ay bigyan ng kaunting espasyo ang terminal para patuloy silang makapaghanapbuhay. Hiniling din nila sa pamunuan ng PUP na pahintulutan silang magkaroon ng paradahan sa loob ng kampus. Dagdag dito, nanawagan sila sa pamunuan ng Barangay 628 at 630 na maglabas ng permit na nagpapahintulot na pumarada sila sa katabing mga daanan, laluna sa palibot ng Teresa.

Ang pagpapalawak sa PNR ay bahagi ng North-South Commuter Railway Project (NSRP) na maglalatag ng sistema ng riles sa Clark, Pampanga hanggang Calamba City, Laguna. Pinopondohan ang proyekto ng Asian Development Bank (ADB) at Japanese International Cooperation Agency (JICA) na unang ipinatupad sa ilalim ng programang Build! Build! Build! ng rehimeng Duterte. Bahagi ng NSRP ang South Commuter Railway Project (SCRP) na dadaan sa Blumentritt tungong Calamba, kung saan kasama ang istasyon sa Sta. Mesa.

Liban sa pagpapalayas sa terminal ng traysikel, maraming kaso na rin ng demolisyon at pagpapalayas sa mga maralitang komunidad ang naitala sa mga eryang sasagasaan ng NSRP.

Nanawagan ng suporta ang SAMASA PUP para sa mga drayber at maaapektuhan ng pagbabakod at iba pang pagpapalayas. “Mga kabataan, makiisa tayo sa laban ng mga drayber upang igiit ang kanilang karapatan sa kabuhayan,” anang grupo.

Source link