Nagtipon sa Nairobi, Kenya sa Africa noong Mayo 23-24 ang 110 indibidwal na kumakatawan sa 28 partidong proletaryo-sosyalista, pormasyong anti-imperyalista, organisasyon sa pananaliksik, at progresibong kilusan ng mamamayan mula sa 20 bansa sa limang kontinente para sa isang teoretikal na kumperensya. Sa pangunguna ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Communist Party Marxist Kenya (CPMK), naging matagumpay ang kumperensya na nagtalakay sa burukrata at kumprador na kapitalismo sa mga neokolonya.
Ang kumperensya, na pinamagatang Pandaigdigang Kumperensyang Teoretikal Hinggil sa Kumprador at Burukratang Kapitalismo sa mga Neokolonya, ang ika-apat sa serye ng mga kumperensyang inilunsad ng NDFP na tumatalakay sa mahahalagang usapin sa teorya. Ito ang unang kumperensyang idinaos sa Africa. Tinalakay sa kumperensya ang 21 artikulo na inakda ng mga komunista at proletaryo-sosyalistang partido, at mga anti-imperyalistang organisasyong namumuno sa kilusang mapagpalaya sa Congo, Cyprus, Guatemala, Indonesia, Iraq, Ireland, Kenya, Kurdistan, Nepal, Pakistan, Palestine, Pilipinas, Sudan, South Sudan, Turkey, Uganda, at Zambia.
Ang dalawang araw na kumperensya ay nagsilbing pagkakataon para sa paglalahad ng Marxist-Leninistang pagsusuri sa umiiral na moda ng produksyon sa iba’t ibang bansa. Partikular na sinuri dito ang istorikal na pag-unlad ng mga neokolonyal na lipunan sa ilalim ng kontrol ng imperyalismo.
Sinuri ng mga delegado ng kumperensya ang materyal na ugat ng burukratang kapitalismo at kapitalismong kumprador, batay sa mga sulatin nina Lenin at Mao hinggil sa malakolonyal at malapyudal na paghahari, gayundin ang mga pakana at hakbang ng imperyalismong US para mapanatili ang kontrol sa mga neokolonya.
Pinag-aralan din ang papel ng iba’t ibang uri sa mga neokolonya bilang mga lokal na ahente ng pandarambong sa ekonomya, at pagsusunud-sunuran sa pulitika at militar sa ngalan ng interes ng imperyalismo. Lumahok ang mga delegado sa malalim na talakayan para magpalalim at makipagpalitan ng pagsusuri sa mga kundisyong nag-anak sa mga istrukturang panlipunang malakolonyal at malapyudal sa kani-kanilang mga bansa.
Tinalakay din ang mga praktikal na usapin na may kaugnayan sa rebolusyonaryong gawain at pagsusulong ng mga kilusang bayan, lalo na sa konteksto ng burukratang kapitalismo. Sinuri ng mga kalahok ang mga estratehiya para sa pag-oorganisa ng mga partikular na uri ng lipunan, tulad ng malaproletaryado, at pinag-aralan kung paano hinuhubog ng lumalalang pandaigdigang krisis at lumalalim na imperyalistang agresyon ang pag-unlad ng mga pwersang rebolusyonaryo, at ng mas malawak na kilusang Kaliwa sa kanilang mga bansa at rehiyon.
Ang artikulong ibinahagi mula sa Pilipinas ay inakda ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas. Binaybay ng artikulo ang kasaysayan ng pag-usbong ng kumprador at burukratang kapitalismo sa bansa na resulta ng paghahari ng imperyalismong US sa pamamagitan ng ahente nito sa ekonomya at pulitika. Ipinaliwanag rin dito ang papel ng kumprador at burukratang kapitalista para panatilihin ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Sa pagtatapos ng kumperensya, nagpahayag ng pakikiisa ang mga delegado sa ipinagdiwang na African Liberation Day noong Mayo 25 bilang paggunita sa pagtatag sa Organization of African Unity, na kalauna’y naging African Union. Itinatag ang OAU para isulong ang pagkakaisa at pagtutulungan ng anti-kolonyal na mga kilusang mapagpalaya at bagong usbong na mga independyenteng gubyerno sa 30 bansang African noong dekada 1960.
Minarkahan nila ito bilang bahagi ng komun na pakikibaka ng inaaping mga mamamayan laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon. Pinagtibay ng kumperensya ang pakikiisa ng mga pwersang anti-imperyalista at proletaryo-sosyalista sa nagpapatuloy na kahalagahan ng mga kilusang mapagpalaya sa Africa na bahagi ng mas masaklaw na mga pakikibaka para sa sariling pagpapasya at sosyalismo.