Inilunsad ang Tanggol Migrante Movement (TMM) noong Huyo 27 sa isang online press conference, bilang alyansa ng mahigit 250 organisasyon, kabilang ang mga dating biktima ng detensyon at kanilang kaanak, mga mangagawa, taong simbahan, mga estudyante, guro, NGOs, manggagawang pangkalusugan at mga halal na upisyal ng gubyerno na nagkakaisa upang ipagtanggol ang karapatan ng mga migrante sa US.
Inilunsad ang press conference isang linggo matapos pumunta ni BongBong Marcos sa US sa utos ni Donald Trump. Bahagi din ang aktibidad sa paghahanda sa ginanap na mga People’s State of the Nation Address sa bansa.
“Kailangan natin ng Tanggol Migrante Movement. Kailangan natin ng pambansang alyansa na kayang isabuhay ang bayanihan sa hanay ng mga Pilipino upang maprotektahan, maipagtanggaol at mabigyang lakas ang pinaka nahihirapan sa ating hanay,” pahayag ni Andan Bonifacio ng Bayan USA.
Ayon sa grupo, ang desisyon na patatagin ang alyansa ay nagmula sa halos walong buwan na walang kapagurang pangangampanya kung saan magkasama ang iba’t ibang sektor, organisasyon, simbahan, mga dating ikinulong at kanilang pamilya para protektahan ang mga Pilipinong nanganganib makulong o mapalayas. Dahil sa kampanya na isunulong ng buong komunidad, napalaya ang limang Pilipino mula sa detensyon.
Sa ilalim ng pasistang administrasyong Trump, mas umigting ang kinakaharap na pasismo at pagtugis sa komunidad ng mga Pilipino sa US. Noong Mayo, tinaasan ni Trump ang kota ng pag-aresto ng mga ahente ng ICE sa 3,000 kada araw. Simula pa noong Abril, umabot sa mahigit 100 Pilipinong manggagawa sa barko ang arbitraryong ikinulong at pinalayas sa US sa kabilang ng kanilang mga dokumento na nagpapahintulot sa kanila na magtrabaho sa barko at sa bansa. Pinagbawalan silang bumalik sa bansa sa loob ng 10 taon. Ayon sa embahada ng Pilipinas, nasa 3,772 na Pilipino ang nakatakdang palayasin sa US sa utos ng ICE. Ngayong Hulyo, umabot na sa 56,000 migrante ang kasalukuyang nakakulong sa iba’t ibang pasilidad. Mahigit 70% sa kanila ay walang kriminal na kaso.
Sa kabila ng malinaw na padron ng pagtugis ng administrasyong Trump sa mga Pilipinong migrante, ipinamalas ng rehimeng US-Marcos ang kawalang pakialam nito sa kanilang kalagayan. Sa pagkikita ni Trump at Marcos, wala nabanggit sa pagtugis sa mga Pilipino. Hindi kagulat-gulat na nakatuon ang pagpupulong sa pagpapatupad ng interes ng US sa Pilipinas.
Nagpahayag ng karanasan at pagsuporta sa TMM ang mga dating nakulong at kanilang pamilya, kabilang ang pamangkin at apo ni Lewelyn Dixon, at si Maximo Londonio at kanyang asawa na si Crystal.
“Ang layunin namin ay patuloy na palawakin ang kilusan na ito upang makapagbigay ng espasyo para sa mga naapektuhan (ng pagtugis) at magkaroon ng oportunidad ang mamamayanan na maging bahagi nito. Kinikilala namin na ang laban na ito ay magkakaugnay at may malakas na kapangyarihan ang pagsama-sama ng komunidad,” pahayag ni Emily Cristobal, apo ni Dixon.
“Nananawagan kami sa lahat, laluna sa mga pamilya na may pakiramdam na nag-iisa sila o natatakot na tumindig kasama namin. Hindi kayo nag-iisa. Importante ang inyong boses. At sa ating pagsama-sama, nagiging mas malakas tayo sa sistema na gusto tayong patahimikin,” pahayag ni Donna Cristobal, pamangkin ni Dixon
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang kampanya ng TMM para sa pagpapalaya sa mga Pilipinong nakakulong sa Washington, Arizona, Indiana, Kentucky, at Georgia.











