Suyurin ang bawat sulok ng Pilipinas! Palakasin ang Pambansa Demokratikong Prente! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Maria Laya Guerrero | Spokesperson | Kabataang Makabayan (KM) | National Democratic Front of the Philippines

Mapula at rebolusyonaryong pagbati ang pinapaabot ng Kabataang Makabayan para sa anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines! Sa ika-52 na taon ng NDFP, pinagpupugayan ng KM ang lahat ng makasaysayang tagumpay ng pagsusulong ng makabayan, demokratiko, at rebolusyonaryong hangarin ng mamamayang Pilipino. Bilang alyadong organisasyon, kabahagi ng NDFP ang KM sa paglaban sa pananalasa ng imperyalismo at ng mga lokal na kasabwat nito sa mamamayan. Mahigpit na kasangga ng KM ang NDF sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Sa nakalipas na dekada, magkatuwang ang KM, NDF at mga alyadong organisasyon nito upang tumulong sa pagtitipon ng pinakamalawak na suporta para sa armadong rebolusyon at sa paghahawan ng landas para itayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Napakahalaga ang karanasan ng NDF sa lahat ng pagsusumikap upang abutin at pakilusin ang mamamayan sa balangkas ng 12-puntong programa nito. Ganundin, hindi matatawaran ang katapatan at pagsusumikap ng NDF at ng Negotiating Panel nito na resolbahin ang pundamental na batayan ng gera sibil sa bansa.

Ngayon, higit na mahalaga ang tungkulin ng NDF at mga alyadong organisasyon na ito na pagbuklurin ang mga patriyotiko at demokratikong Pilipino sa harap ng walang-kaparis na krisis panlipunan sa bansa at umiigting na sigalot sa daigdig. Hitik ang panahon upang paigtingin ang apoy ng diwang makabayan at rebolusyonaryo ng mamamayan. Hitik ang panahon para pag-isahin ang bisig ng bawat Pilipino upang bunutin at itakwil ang ugat ng ating pagsasamantala at pang-aapi. Hitik ang panahon upang sama-samang buuin ang ating komun na hangarin ng kalayaan mula sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.

Napapanahon ang sitwasyong panlipunan para ipalaganap ang katuwiran at buong-lakas na iabante ang demokratikong rebolusyong bayan. Ang kawalan at pangangamkam ng lupa, kawalan ng nakabubuhay na sahod, kontraktwalisasyon, kahirapan at kagutuman, kakulangan ng akses sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan, laganap na represyon ng mga karapatan, at korapsyon ay mga kundisyon upang paigtingin ang pakikibaka ng mamamayan.

Matining ang tungkulin ng NDF at ng mga alyadong organisasyon nito na imulat ang pinakaraming bilang ng mamamayan sa katotohanan sa ating saligang kontradiksyon sa imperyalismong Amerikano. Kailangan nating imulat ang mayorya ng mga Pilipino na ang imperyalismo ang nagkukulong sa atin sa malakolonyalismo at malapyudalismo. Ang pakikibaka at pagpupunyagi ng pambansa demokratikong rebolusyon ang susi upang mapagpasyang wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala. Ganundin, sentral ang pagpupunyagi para sa tunay na kalayaan at kasarinlan bilang higanteng hakbang laban sa nagbabadyang imperyalistang digma.

Sang-ayon sa panawagan ng Partido na palakasin at palawakin ang NDFP, magaan na sinasabalikat ng KM ang mga tungkulin upang tumulong sa higit na pagpapatatag ng nagkakaisang prente at ang pinakakonsolidadong ubod nito. Para dito, kinakailangan ang pagtatayo at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng kabataan at mamayan sa kanayunan, kalunsuran, at kahit sa ibayong dagat. Sa isang bahagi, ang pagpapalakas ng mga alyadong organisasyon ay nakatuntong sa pagpapahigpit ng gagap sa rebolusyonaryong teorya at makauring pagsusuri sa lipunang Pilipino. Sa kabilang bahagi, ang lakas ng mga organisasyong ito ay nakasalalay din sa pagdadala ng mga demokratiko at patriyotikong mithiin ng mamamayang Pilipino.

Inspirasyon para sa KM ang 12-puntong programa ng NDF dahil malinaw nitong sinasalarawan ang mga hakbanging kinakailangan tahakin upang linangin ang Pilipinas para sa Pilipinong anakpawis. Kaya sa taon na ito at sa darating pa, makakaasa ang NDFP na susuyurin ng KM ang bawat baryo, sakahan, kabundukan, aplaya, maralitang komunidad, pagawaan, paaralan, mga organisasyon upang ipalaganap ang dakilang adhikain ng Prente at humango ng mga rebolusyonaryong handang harapin ang buhay-at-kamatayang pakikibaka na kailangan upang isakatuparan ito.

Sa anibersaryo ng NDFP, nananawagan ang KM sa kanyang mga balangay na maglunsad ng at makiisa sa iba’t ibang tipo ng kolektibong aksyon upang kilalanin ang dakilang kasaysayan at misyon ng Prente. Nananawagan din ang KM sa kanyang mga kasapi na pag-aralan ang mga saligang dokumento ng NDFP, ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), at ang mga saligang dokumento ng KM. Higit sa lahat, nanawagan ang KM sa kanyang mga kasapi na pag-ibayuhin ang pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng kabataan at mamamayang Pilipino para sa pambansang demokrasya.

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang pambansa demokratikong rebolusyon!

The post Suyurin ang bawat sulok ng Pilipinas! Palakasin ang Pambansa Demokratikong Prente! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.