Prop. JOSE MARIA SISON
Tagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
Maalab na rebolusyonaryong pagbati sa lahat ng kapwa aktibista sa Anakbayan at lahat ng inyong panauhin!
Malaking karangalan at kagalakan sa akin ang inyong anyaya na ako ang magbigay ng susing talumpati sa inyong ika-7 pambansang kongreso.
Tampok ngayon ang Anakbayan sa ating bansa bilang pinakamatatag at pinakamilitanteng komprehensibong pambansa-demokratikong organisasyon ng kabataang Pilipino sa larangan ng legal na pakikibakang masa.
Nakatipon sa inyong organisasyon ang mga makabayan at progresibong kabataan mula sa mga uri at sektor na inaapi at pinagsasamantalahan: manggagawa, magsasaka, estudyante, propesyonal na limitado ang kita, kababaihan at minorya.
Kapuri-puring umabot na sa mahigit 20,000 ang inyong kasapian mula nang itatag ang Anakbayan noong ika-30 Nobyembre 1998. Tumpak na taglay ninyo ang dakilang diwa ng Katipunan at Rebolusyong 1896 at tulad ng Kabataang Makabayan ay tinatahank ninyong ang linya ng bagong demokratikong rebolusyon.
Wastong tipunin ninyo sa ika-7 pambansang kongreso ang mga lider-kabataan ng mga rehiyon, probinsya at mga balangay sa loob at labas ng bansa, lagumin ang inyong karanasan, tasahin ang inyong lakas at mga kahinaan, buuin ang susunod na 2-taong programa at ihalal ang Pambansang Konseho at Pambansang Komiteng Tagapagpaganap.
Napakahalagang pagtibayin ninyo ang pagkakaisa sa pag-unawa sa inyong kalagayan, katayuan at kakayahan, sa ibayong paglakas ng inyong hanay, sa pagtupad ng inyong mga tungkulin at sa pagsulong ng kilusang kabataan at sambayanang Pilipino sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Ibayong magpakahusay sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagmobilisa sa kabataan.
Kaharap natin ngayon ang walang humpay na paglala ng krisis ng global na kapitalismo at lokal na naghaharing sistema ng malalaking komprador at asendero at paglubha ng pagsasamantala at pang-aapi sa malawak na masa ng kabataan at sambayanang Pilipino..
Sukdulan ang sama ng rehimeng Aquino na kumakatawan sa mga uring mapagsamantala at sunud-sunuran sa impeyalismong Amerikano. Sa buong bansa ngayon, walang kapantay si Aquino sa pagkapapet, pagsasamantala, pagkakorap, pagmamalupit at at pagsisinungaling.
Walang hiyang ibinenta ng rehimen ang ating pambansang soberaniya at patrimonya. Pinapayagan ang mga dayuhang korporasyon na ariin hanggang siyento por siyento (100%) ang mga lupain at mga negsoyo. Sa pamamagitang tinaguriang Enhanced Defense Cooperation Agreement pinapayagan ang Estados Unidos na magtayo nga mga base militar at mag-ipon ng sandata sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Sa mapanlinlang na paggamit ng mga terminong Ingles, ginagawang permanente ang base at tropang Amerikano at mistulang aircraft carrier ang buong Pilipinas.
Kailangang gawin ang lahat ng makakayanan upang ilantad ang masasamang patakaran at gawa ng rehimeng Aquino, upang ihiwalayat patalsikin ito mula sa kapanyarihan. May dahilan at pagkakataon na patalsikin ang rehimen. Sakaling matapos ni Aquino ang kanyang takdang pannunungkulan, lalakas pa rin kayo sa proseso ng pakikibaka at ibayong lalakas pa kayo sa patuloy na paglaban sa susunod na masamang rehimen at sa buong naghaharing sistema.
Mabuhay ang Anakbayan!
Ipaglaban ang mga karapatan at kapakanan ng kabataan!
Mabuhay ang kabataang Pilipino!
Ipagwagi ang pambansa-demokratikong rebolusyon!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!