Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Railway, magsisilbi sa interes sa ekonomya at heyopulitika ng imperyalismong US

Noong Hunyo 26, pinirmahan ng rehimeng Marcos, sa pamamagitan ng Department of Transportation, at ng US Trade and Development Agency (USTDA) ang kasunduan para pondohan ng gubyernong US ang paunang pananaliksik at pag-aaral (technical assistance) para sa proyektong Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Railway. Target ng proyekto na maglatag ng riles na may habang 250 kilometro para pagdugtungin ang Subic at Clark sa daungan sa Batangas. Magsisilbi ito para sa transportasyon ng mga kalakal (freight train).

Saklaw ng paunang pag-aaral ng proyekto ang pagpaunlad ng modelo para sa transportasyon, pananaliksik para sa port rail integration at mga kaugnay na ligal na mga usapin. Uutang ang rehimeng Marcos ng $3.8 milyon o ₱218 milyon para sa feasibility study pa lamang ng proyekto.

Batay sa plano ng USTDA, magsisimula ang feasibility study at pagbuo ng disensyo ng proyekto sa pagitan ng 2025 at 2026. Plano nitong magsimula sa 2027-2028 ang konstruksyon ng bahagi ng Subic-Clark, at sa 2028-2029 ang konstruksyon ng bahagi ng Clark-Manila-Batangas. Target nitong simulan ang operasyon ng riles sa maagang bahagi ng 2030.

Ang 250-kilometer sistema ng riles ay isang mayor na proyekto sa ilalim ng Luzon Economic Corridor (LEC), isang pang programa sa ekonomya na binuo sa pagitan ng US, Philippines at Japan at bahagi ng Partnership for Global Infrastructure and Investment ng US. Layunin diumano ng trilateral na tambalang ito ang pabilisin ang koordinasyon sa pamumuhunan sa malalaking proyekto tulad ng riles, modernisasyon ng mga pantalan, “malinis na enerhiya,” at daloy ng suplay para sa semiconductor at agrikultura. Itinuturing itong pantapat ng imperyalismong US sa Belt and Road Initiative (BRI) at Maritime Silk Road ng China.

Maliban sa pang-ekonomyang aspeto ng LEC, magsisilbi din itong karugtong ng EDCA. Ayon kay Mong Palatino, pangakalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), bahagi ang LEC sa plano ng US na gawing sentro ang Luzon para sa mga operasyon militar nito. Aniya, labag ito sa soberanya ng bansa.

“Ang paglalantad ng ‘Luzon Corridor’ sa trilateral summit ay nagpapahiwatig ng mas matinding panghihimasok militar sa isla (ng Luzon),” babala ni Palatino. “Halos gawing EDCA site ang pinakamalaking isla sa bansa na magsisilbi para libu-libong dayuhan tropa sa kahit anong panahon. Ito ay sinasabing economic zone pero nakadugtong ito sa pagtatayo sa EDCA site at muling paggamit sa Subic at Clark bilang sentro para mga ehersisyong militar kasama ang mga dayuhang tropa.”

Noong Hunyo 27 lamang, nagpahayag ang US Congress na kagustuhang magtayo ng pagawaan ng mga bala sa Subic Bay, isang dating base militar ng US at kasalukuyang hindi upisyal na EDCA site na ginagamit ng mga pwersang militar ng US. Bago nito, umupa na ng espasyo ang US sa naturang base para gamiting imbakan diumano ng mga materyal para sa panahon ng mga sakuna.

Mariing kinundena ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang balak ng US na ibayong gamitin ang Subic bilang tambakan ng gamit militar na anito’y magsasapanganib lamang sa bansa. Nakatitiyak rin ang mga mangingisda sa perwisyong idudulot nito sa pangisdaan dahil sa maruruming kemikal na ilalabas ng pabrika ng mga armas at bala sa dagat.

Maliban sa banta sa seguridad ng bansa at buhay ng mamamayan, kinakaharap ng mga magsasaka at mga katutubong Aeta ang matinding dislokasyon at pagpapalayas dahil sa SCMB.

Noong 2024, sinasabing 212 na may-ari ng lupa sa sa Porac at Floridablanca, Pampanga ang pinalalayas na sa kanilang lugar para bigyan-daan ang proyekto. Bago nito, namigay ng mga Transfer Certificate of Titles ang Bases Conversion and Development Authority para padulasin ang pagbebenta ng mga may-ari sa kanilang lupa.

Gayundin, mula pa 2020 ay marami nang komunidad ng mga Aeta ang pinalalayas mula sa kanilang komunidad upang bigyang daan ang mga proyektong imprastruktura na may kaugnayan sa itatayong riles. Kabilang dito ang hindi bababa sa 500 pamilya ng Aeta sa Barangay Aranguren, Capas, Tarlac na pinalalayas sa kanilang komunidad para bigyang daan ang paglalatag ng access road sa Clark International Airport.

Source link