Kinasusuklaman ng mamamayang Pilipino ang sarswelang pakulo ng rehimeng US-Marcos II para iantala ang paglilitis sa kasong impeachment ni Sara Duterte. Tumagal lalo ang paglilitis kay Sara sa pagbabalik ng Senado ng articles of impeachment sa Kamara at niresulta nitong serye ng palitan ng dalawang panig na umabot ng isang buwan. Ngayon, inihayag naman ng Senado na didinggin na lang ang kasong impeachment sa Hulyo 29, sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso matapos ang ikaapat na SONA. Garapalang paghadlang ito sa pagpapataw ng hustisya sa mga krimen ni Sara. Kung gayon, hindi sinsero ang Senado, Kamara at si Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin si Sara.
Matatandaang noong Pebrero, sa kainitan ng usapin matapos sunud-sunod na malantad ang garapal na pagnanakaw, bumoto ang napakalaking mayorya ng Kamara para patalsikin si Sara bilang bise presidente dahil sa maanomalyang paggamit sa ₱625 milyong pondo ng Office of the Vice President at Department of Education. Nanindigan ang mga kongresista na pagtataksil ito sa tiwala ng publiko at konstitusyon. Sa panahong ito, iniangat na ang kaso sa Senado, ngunit ilang buwang bininbin ng mga Senador ang impeachment. Upang pahupain ang galit ng mamamayan, ipinangako ng Senado na itutuloy ang pagdinig sa kaso ni Sara noong Hunyo ngunit hindi din tinupad.
Iwas-pusoy ang mga Senador na ituloy ang paglilitis sa kaso ni Sara. Nilibang pa nito ang bayan sa paglulunsad ng seremonya ng panunumpa ng mga taga-usig at paglalahad ng 19-araw na plano sa paggulong ng impeachment. Ngunit noong Hunyo 11, imbes na simulan ang pagdinig sa impeachment, ibinalik ito sa Kamara alinsunod sa petisyon ni Senador Alan Peter Cayetano, kilalang masugid na tagasunod ni Rodrigo Duterte. Mga tusong hakbang ito upang bilugin ang ulo ng mamamayan at paasahin sila sa hinahangad na hustisya sa mga krimen ni Sara.
Harap-harapang pinipigilan ng mga maka-Duterteng Senador na sina Robin Padilla, Bato dela Rosa, Miguel Zubiri, Bong Go, Cayetano at “kaibigan” ni Sara na si Imee Marcos ang impeachment. Sila ang nagpapalaganap ng disimpormasyon na “pampulitikang persekusyon” kay Sara ang paggigiit ng pagdinig sa impeachment. Gusto pa nilang palabasin na mabango pa ang pangalan ni Sara at na ang impeachment ay paraan ng mga Marcos upang pigilan ang posibleng kandidatura ni Sara sa 2028 Presidential Elections. Bukod sa malinaw na panloloko, pinawawalang-saysay ng mga ito ang galit at pagiging lehitimo ng panawagan ng mamamayang Pilipino na panagutin ang mga kriminal, kurakot at may atraso sa bayan kagaya ni Sara.
Ang lantarang pag-antala ng gubyernong Marcos sa paglilitis kay Sara ay dagdag kasalanan na dapat singilin sa inutil na pangulo at kanyang mga alipores sa Senado. Nagkakaisa ang mga abogado at eksperto sa batas na kundenahin ang ginagawa ng Senado at sinabi pang unconstitutional ang mga maniobra ni Senate President Chiz Escudero. Marapat na kundenahin si Escudero na promotor ng pambabalam sa pagdinig ng kasong impeachment ni Sara. Makatwiran ang patuloy na pangangalampag ng mga oposisyon, kritiko, makabayan at progresibong pwersa na ituloy ang impeachment ni Sara.
Lalupang nabubuyangyang ang kabulukan ng gubyernong pinamumugaran ng mga burukrata kapitalista na binabaluktot ang sariling reaksyunaryong konstitusyon para lamang pumabor sa kani-kanilang sariling interes. Pangita ang kompromisong ginawa ni Marcos Jr. para mapanatili ang kapit sa poder, mapreserba ang kapangyarihan at tiyakin ang katapatan ng mga alagad at kroni sa reaksyunaryong gubyerno. Bagamat magkakaribal sa pulitika, naduduwag si Marcos Jr. na papanagutin si Sara dahil una, alam niyang kapag napatunayang maysala ang huli ay siya na ang susunod na uusigin din sa pandarambong; at pangalawa, natatakot siya sa kapangyarihang hawak ng mga Duterte lalo sa militar. Desperado si Marcos Jr. na iwasan ang muling pag-usbong ng mga kilos protesta na nananawagan ng pagpapanagot sa kapwa pamilya ng mga Marcos at Duterte kapag naganap nga ang impeachment ni Sara. Alam niyang lalong magagalit ang bayan sa krimen ng mga Marcos lalo matapos ipawalang-sala ang mga kaso ng pandarambong ng kanyang pamilya sa tatlong taon niya bilang presidente.
Ikinumpas ng imperyalismong US ang pag-antala ni Marcos Jr. na panagutin si Sara upang timplahin hindi tumungo sa armadong labananang mga tunggalian sa pagitan ng mga paksyon ng mga naghaharing uri. Naghahangad ang US na itutok ang reaskyunaryong pwersa sa Pilipinas sa pagpulbos sa rebolusyonaryong kilusan at paghandaan ang pinapakanang gera laban sa China sa Asia Pacific.
Walang puwang na maglubay ang mga pakikibakang bayan para papanagutin si Duterte at singilin si Marcos. Higit na napapanahong palakasin ang mga panawagan upang igiit ang kasong impeachment laban kay Sara. Puspusang magpropaganda at patuloy na palaparin ang alyansa laban sa mga Marcos at Duterte.
Sa harap ng karuwagan ni Marcos Jr. na papanagutin si Sara, pinatutunayang sa lakas at pagkakaisa lamang ng sambayanang Pilipino makakamit ang pagpapanagot sa krimen ng mga Duterte. Napapanahong ipakita ang superyoridad ng lakas ng bayan sa malalaking kilos protesta, aksyong masa at pagpapatambol ng panawagang “Patalsikin si Sara!” at “Singilin si Marcos!”.###