Mariing kinundena ng red. media at mga tagasuporta nito ang ipinataw ng European Union (EU) na mga sangsyon laban dito at tagapagtatag nitong si Hüseyin Doğru noong Mayo 20. Ang mga sangsyon ay bahagi ng ika-17 sanctions package na ipinataw ng EU laban sa Russia, na sumaklaw sa mga mamamahayag na inaaakusahan nitong bahagi ng “makinaryang militar.”
Itinuring ng EU si Doğru bilang tauhan ng Russia dahil dati siyang mamamahayag ng Red Fish, isang outfit na nakapailalim noon sa RT o Ruptly, na pinatatakbo ng estado ng Russia. Sa ilalim ng sangsyon, pinagbawalan na ang kanilang mga operasyon sa buong EU.
Ginigipit ng EU ang red. media dahil sa pagbabalita nito tungkol sa pambobomba at karahasan ng US Israel sa Gaza, at tungkol sa sa mga protesta at kilusan laban sa henosidyo sa Germany kung saan nakabase ngayon ang kanilang upisina.
Naniniwala si Doğru na ang mga sangsyon na ipinataw ng Germany ay bahagi ng crackdown sa paglaban ng mamamayan. Aniya, tinarget siya para magsilbing ehemplo at pigilan ang ibang mamamahayag na isiwalat ang mga krimen na isinasagawa ng mga pinakamakapangyarihang bansa sa mundo.
Sa Pilipinas, nagpahayag ng suporta ang Bagong Alyansang Makabayan kay Doğru at sa red. media.
“Ang gerang disimpormasyon laban sa red. media at kay Hüseyin Doğru ay kampanya para sadyang pahinain at tanggalan sila ng kredibilidad at tangkang patahimikiin ang isang mamamahayag na may mga pananaw na kritikal sa naggaganap na henosidyo ng US-Israeli Zionist sa mga Palestino,” pahayag ng Bayan noong Hunyo 4.
Dahil walang kasong isinampa kay Doğru, at sa gayon ang mga sangsyon ay isang porma ng pagsesensor at paglabag sa kanyang pundamental na karapatan bilang mamamahayag, ayon sa Bayan. Isa rin itong parusa sa kanyang panininidigan para sa Palestine at pagbabalita sa mga pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya sa buong mundo.
“Mataas ang pagpapahalaga namin sa malaon nang dedikasyon ng red. Media at ni Doğru sa pagsisikap na mas makilala ang pakikibakang Pilipino sa buong mundo, na nagpapakita na magkakarugtong ang mga pakikibaka at kahalagahan ng mga mamamahayag na palakasin ang mga boses ng mamamayang nakikibaka para sa panlipunang hustisya,” ayon sa Bayan.
Nananawagan ang Bayan at iba pang mga tagasuporta ng red. Media na ipagtanggol ang kalayaan sa pamamamayahag sa harap ng mga atake rito ng mga imperyalistang bansa at higit pang paalingawngawin ang pakikibaka ang mga inaaping mamamayan.
Naglabas din ang pahayag ng suporta ang Altermidya Network, gayundin ang myembro nitong Bulatlat. Nakiisa ang mga myembro ng Altermidya sa kapareho nilang independyenteng mamamahayag sa pagpapanagot sa mga umaatake sa malayang pamamahayag sa tangkang supilin ang midya.
“Sa gitna ng mga pagtatangkang busalan ang midya, dapat nating ipagtanggol ang kapwa natin mamamahayag na nahaharap sa panggigipit at kolektibong nating igiit ang paglalahad ng mga kwentong sadyang ibinabaon ng mga tumatakas sa kanilang pananagutan,” anito.