Press Release

Sagot ng CPP kay Governor Bulut ng Apayao: Hindi “for sale” ang NPA

CPP Information Bureau

Walang katumbas na pera ang wagas na pagmamahal ng mga Pulang mandirigma sa masa. Walang kabayaran ang lahat ng sakripisyo sa pakikibaka para makamit ang hangarin ng buong bayan para sa demokrasya at kalayaan.

Ito ang sagot ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa pahayag ni Governor Elias Bulut Jr ng Apayao province na babayaran niya ng ₱500,000 ang mga mandirigma kapalit ng kanilang “pagsuko at pagbalik-loob” sa gubyerno.

Kasabay nito, nangako ang gubernador na “gagantimpalaan” niya ang mga sundalo ng ₱1 milyon kung makapatay o makapagpasurender ng NPA at ng pabuya ang mga “impormante” na magsusuplong kung nasaan ang mga Pulang mandirigma.

“Ibasura mo na lang ang alok mo, Governor Bulut,” wika ni Valbuena. “Walang Pulang mandirigmang tapat sa hangarin ng bayan ang kakagat sa malaki mong panloloko!”

Nagbabala rin si Valbuena laban sa pagbibigay ni Gov. Bulut ng pabuya sa militar. “Gagatungan nito ang pananalasa ng mga sundalo sa mga komunidad ng magsasaka at pambansang minorya at ang mga pagpatay sa mga sibilyan na pinalalabas na mga NPA.”

“Eksperto ang AFP sa paglalabas ng mga pekeng balita ng mga engkwentro para pagtakpan ang mga krimen ng pagpaslang sa mga sibilyan, pagpataw ng mga blokeyo at iba karuma-dumal na krimen laban sa mamamayan.”

Payo ng CPP sa gubernador, pansinin niya ang maririing hinaing ng kanyang mga kababayan, laluna ang masang magsasaka at mga maralitang sektor na hirap na hirap sa harap ng nagtataasang presyo ng bigas at mga bilihin, mababang sahod at kita at kawalan ng kabuhayan.

“Sa harap ng malawak na pagdarahop, ang pagbibigay mo ng pabuya sa mga berdugong sundalo ay lalo lamang gumagatong sa galit ng mamamayan sa buong bulok na gubyerno,” dagda ni Valbuena.

“Governor Bulut, hanggang hindi nalulutas ang mga ugat ng kahirapan at pang-aapi sa iyong bayan at sa bansa, patuloy na lalaban at lalakas ang NPA,” ayon kay Valbuena. “Huwag ka nang magtakda bakit hindi mapawi-pawi ang armadong paglaban sa iyong prubinsya kahit matagal na ninyong idineklarang ‘insurgency-free’ ang Apayao.”

The post Sagot ng CPP kay Governor Bulut ng Apayao: Hindi “for sale” ang NPA appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.