Sadyang pag-antala sa paglilitis sa kasong impeachment ni Sara Duterte, malawakang kinundena

Libu-libong mamamayan ang nagprotesta sa harap ng Senado ng Pilipinas sa Pasay City noong Hunyo 11 para itulak ang pagpapanagot kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng kinahaharap niyang kaso ng impeachment. Disyamado ang mamamayan sa tila pagprotekta ng Senado, na tumatayong impeachment court, kay Duterte sa ginawa nitong mga taktika ng sadyang pag-antala sa paglilitis.

Ang malawak na kilos-protesta ay inilunsad ng mga grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Duterte Panagutin Network, Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA), Movement Against Tyranny, Koalisyong Makabayan at Bunyog Pagkakaisa Party. Sumanib at nakiisa sa pagkilos ang mga grupo at partido ng manggagawa at simbahan.

Binatikos ng mga grupo ang pag-antala ng mga maka-Duterteng senador at maging ni Senate President Francis Escudero sa paglilitis. Unang itinakda ang petsa ng pormal na pagbubukas ng impeachment court noong Hunyo 2, matapos ang apat na buwan nang pag-antala, ngunit inilipat ito ng Hunyo 11, huling araw ng sesyon ng senado.

Noong Pebrero pa ipinadala ng House of Representatives sa Senado ang mga artikulo ng impeachment laban kay Duterte. Hindi bababa sa 240 kongresista ang pumirma at sumuporta sa ikaapat na reklamo ng impeachment laban sa bise presidente dahil sa patung-patong na mga dahilan.

Sa tulak ng ilang mga senador, napilitan si Escudero na tipunin na ang impeachment court noong Hunyo 10. Kasabay nito, kaagad nagmaniobra ang tuta ng mga Duterte na si Sen. Bato dela Rosa na ibasura ang kasong impeachment. Hindi sumang-ayon ang mga senador dito ngunit bumoto ang mayorya (18 senador) pabor sa pag-remand o pagbabalik ng reklamo sa House of Representatives.

Ibinalik ito sa mababang kapulungan para kumpirmahin umano kung sumunod sa konstitusyon ang proseso ng impeachment ng mga kongresista laban kay Duterte. Marami ang bumatikos sa hakbang na ito ng senado at sinabi ng maraming abugado at eksperto sa batas na labag ito sa konstitusyon.

Maging ang mga tagalitis na itinalaga ng House of Representatives ay nalito sa hakbang ng impeachment court. Gayunman, kaagad na ring naglabas ng House Resolution No. 2346 ang mga kongresista noong Hunyo 11 bilang patunay na sumunod sila sa konstitusyon sa proseso ng pagboto para sa impeachment.

“Ang pagboto ng Senado pabor sa pagpapabalik ng kaso ng impeachment sa [House of Representatives] ay hindi lamang sumasalamin sa malisyosong maniobra ng mga pwersang pabor kay Duterte kundi pati na rin sa pag-iral ng bulok na pulitika,” pahayag ng Bayan.

Sa harap ng pagtataksil na ito ng senado, sinabi ng Bayan na makatarungan lamang ang protesta ng mamamayan. “Naging safe house na [ang senado] para kay ‘Mary Grace Piattos’ (gawa-gawang pangalang lumitaw sa pekeng mga resibo ni Duterte sa usapin ng confidential funds) at kanyang mga kasabwat,” anang grupo.

“Ang patuloy na kabiguan ng Senado na isagawa ang paglilitis sa impeachment ay nagpapakita ng mga hamon na kinahaharap ng mamamayan sa pagpapanagot sa mga tiwaling upisyal. Ang mga batas ay maling ginagamit at maling ipinapakahulugan, binabaluktot ang mga salita, at ang kompromiso ay inilalahad bilang tamang proseso,” dagdag pa ng grupo.

Pagdidiin ng Bayan, ang mga hakbang ng Senado ay lalo lamang nagtutulak ang mamamayan na lumaban. “Lumalakas ang loob ng mamamayan na magsalita at kumilos laban sa korapsyon, abuso sa kapangyarihan at pagtataksil sa tiwala ng publiko,” anang grupo.

Sa araw ding iyon, pinangunahan ng mga panrehiyong balangay ng Bayan ang mga protesta sa Iloilo City at Bacolod City. Naglunsad rin ang mga kasaping organisasyon ng Bayan ng demonstrasyon noong Hunyo 12 sa Cebu City at noong Hunyo 13 sa Baguio City at La Union.

Kumilos rin ang ibang mga grupo at alyansa laban sa pag-antala sa paglilitis ni Sara Duterte. Noong Hunyo 9 hanggang 11, nagsagawa ng protesta at vigil ang mga partidong oposisyunista at organisasyong sosyal-demokrata.

Source link