Ikinalulugod ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na maisasagawa ang paglilibing sa mga labi ni Gregorio “Ka Roger” Rosal, dating tagapagsalita ng PKP, sa kanyang bayang tinubuang Ibaan, Batangas. Katuparan ito ng kahilingan ng kanyang mga anak na mailibing ang mga labi ng kanilang ama sa tabi ng puntod ng kanilang inang si Ka Soli.
Nagpapasalamat ang PKP sa mga anak, kapatid at kamag-anak ni Ka Roger at mga rebolusyonaryong pwersa, sa pagtulong na mailipat ang mga labi ni Ka Roger. Halos limang taon nang nakahimlay ang kanyang mga labi sa isang lugar sa Hilagang Luzon na inilihim upang pangalagaan ang seguridad ng mga pwersa at kaibigang kabilang sa nangalaga sa kanyang kalusugan at kaligtasan.
Paglipas ng limang taon, angkop lamang na ilipat at ilibing ang mga labi ni Ka Roger sa may-pangalang puntod. Magsisilbi iyong simbolo ng pagkilala ng sambayanang Pilipino at rebolusyonaryong kilusan sa isa sa kanilang bayaning walang-imbot na nag-alay ng kanyang talino at buhay para itaguyod ang pambansa-demokrasya at sosyalismo.
Tama rin ang panahon na mailapat ang lapida ng Tinig ng Rebolusyon sa kanyang puntod. Sa okasyon ng ikalimang anibersaryo ng kamatayan ni Ka Roger sa Hunyo 22, magsisilbi iyong pananda para sa mga isasagawang pag-alala at pagkilala sa kanya ng sambayanan. Balik-balikan natin ang kanyang talambuhay sa mga pagpupugay na inilathala ng PKP at laksa pang mga samahan, mga personahe, mga taong-midya, kaibigan at iba pa.
Paglipas ng limang taon mula nang siya ay pumanaw, ang alaala ni Ka Roger ay nananatiling buhay sa kamalayan ng mamamayang Pilipino. Hindi mabura sa alaala ng bayan ang pangalan ni Ka Roger dahil ang pang-aapi at pagpapahirap sa sambayanan na siyang nagtulak sa kanya noon na lumahok sa digmang bayan ay patuloy na nagtutulak sa masang anakpawis na tanganan ang mga sandata ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Yamot na yamot ang mga reaksyunaryo sa buhay-pa-ring alaala, pagkilala at paghanga kay Ka Roger ng bayan. Nang tagapagsalita siya ng Partido, si Ka Roger ay laging sakit sa ulo ng mga pasistang upisyal ng militar at mga burukrata-kapitalista dahil sa maagap niyang paglalantad at pagkontra sa mga kasinungalingan at panlilinlang ng AFP at naghaharing papet na estado.
Bilang propagandista, walang sawa noon si Ka Roger na ipaglaban ang interes ng masang manggagawa at magsasaka. Para sa masang api at pinagsasamantalahan, nananatiling simbolo si Ka Roger ng kanilang rebolusyonaryong pakikibaka at hangarin para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Sa paggunita natin sa nalalapit na anibersaryo ng kanyang kamatayan, kilalanin nating hamon para sa rebolusyonaryong kilusan ang magpalitaw ng laksang bagong mga Ka Roger.
Dapat nilang katawanin ang iba’t ibang larangan, teatro ng gera, mga aping sektor at uri, mga rebolusyonaryong organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika at paalingawngawin ang sigaw para sa demokratikong rebolusyong bayan.
Dapat nilang tularan ang sigasig at kapangahasan ni Ka Roger sa paglalantad ng kalagayan ng bayan at sa pagpunit sa mga kasinungalingan ng mga upisyal ng militar at papet na estado.
Tulad ni Ka Roger, dapat nilang ipamalita sa buong mundo ang mga tagumpay na nakakamit ng sambayanang Pilipino sa pagsusulong ng digmang bayan: sa pagtatayo ng bagong gubyernong bayan, pagtupad ng tunay na reporma sa lupa, pagsusulong ng armadong pakikibaka at mga pakikibakang masa.
Dapat nilang hasain ang kanilang kaalaman sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa kasaysayan at kongkretong kalagayan ng sambayanang Pilipino. Dapat silang makipagtagisan sa mga nagtataguyod ng neoliberalismo at iba pang nagteteoryang nagpapanggap na moderno para pagtakpan ang luma at bulok na sistemang kapitalista, ang pagnanaknak ng imperyalismo at ang paangangailangan para sa sosyalistang pagbabago.
Tulad ni Ka Roger, ang mga bagong sibol at sisibol pang tinig ng sambayanan at rebolusyon ay magsisilbing inspirasyon sa mga kabataan. Ito ay dahil sinasalamin ng mga bagong Ka Roger ang hangarin ng mga kabataan na wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema na nagkakait sa kanila ng pag-asa at pumupuksa sa kanilang ideyalismo. Tulad ni Ka Roger, kinakatawan nila ang hangarin ng mga kabataan para sa malaya, maunlad at modernong kinabukasan.
Tamang-tama na isasagawa ang paglilibing sa mga labi ni Ka Roger sa okasyon ng pagdiriwang sa anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Sa araw na ito, ipagdiwang natin ang mga tagumpay sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at harapin ang hamong bigyang-sibol ang bagong mga Ka Roger.###
Partido Komunista ng Pilipinas