Magpunyagi sa laban kontra sa pahirap, pasista, at papet na rehimeng Marcos

Kaugnay sa parating na ika-4 na State of Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr sa huling Lunes ng Hulyo, narito ang paunang pahayag ng Communist Party of the Philippines, sa pamamagitan ng upisyal na pahayagan nitong Ang Bayan:

Inaasahan ng CPP na mahaba ang ilulubid ni Marcos na mga kasinungalingan sa darating na SONA. Gayunpaman, hindi niya mapagtatakpan ang walang katapusang pasakit na dinaranas ng sambayanan sa ilalim ng kanyang paghahari.

Binatikos ng CPP ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at langis, mababang sahod, laganap kawalan ng hanapbuhay at malawakang tanggalan sa trabaho. Napupwersa ang libu-libong manggagawang Pilipino na mangibang-bansa para doon magpa-alipin.

“Pasanin pa rin ng taumbayan ang mataas na presyo ng bigas, na hindi mapagtakpan ng pakitang-taong mga palabas ni Marcos,” diin ng Ang Bayan. Sa kabila ng panawagan ng mamamayan, “sinagkaan ng Malacañang ang panukalang ₱200 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa, at sa halip, dagdag pang buwis ang ipinataw sa balikat ng taumbayan.”

Ayon pa sa Ang Bayan, “ipinatutupad ni Marcos ang mga patakaran at programa na lalong nagpapabundat sa dayuhang malalaking kapitalista, at mga kasabwat na malalaking burgesyang komprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista.” Binatikos din nito ang “kaliwa’t kanang pangungutang ni Marcos na hindi naman napakikinabangan ng bayan, kundi napupunta lamang sa pampasiklab na mga proyektong pang-imprastrukturang pinagkukunan ng kikbak ni Marcos at mga korap niyang upisyal.”

Tinuligsa rin ng CPP ang militarisasyon at panunupil sa mga tumitindig at lumalaban: “Binibigyan sila ni Marcos ng armadong proteksyon ng militar at pulis, na ginagamit sa pagsupil sa mamamayang nagtatanggol sa kanilang lupa at kabuhayan.”

Ayon sa CPP, ginagamit ni Marcos ang NTF-Elcac at Anti-Terrorism Law laban sa mga manggagawa, kabataan, at iba pang demokratikong sektor. Binatikos nito si Marcos at ang AFP sa “kaliwa’t kanang ekstrahudisyal na pamamaslang, paninindak, paghahalughog sa mga bahayan, iligal na pag-aresto, ‘pagpapasurender,’ walang patumanggang pagpapaputok ng baril, panganganyon at paghuhulog ng bomba sa mga bukid at bundok malapit sa mga komunidad.”

Tinukoy ng Ang Bayan ang “todo-todong pakikipagkuntsabahan ni Marcos at ng AFP sa pwersang militar ng US” na nagpapaigting ng tensyon sa South China Sea, sa halip na bigyang-daan ang mapayapang dayalogo para lutasin ang mga hidwaan sa karagatan.

Panawagan ng CPP sa sambayanang Pilipino na pasiglahin at palakasin ang kilusang masa at armadong pakikibaka para labanan ang pang-aapi at panunupil ng rehimeng US-Marcos.

“Sa walang sawang pagpupunyagi sa landas ng paglaban, tiyak na mapananagot si Marcos at mapahaharap sa paghuhusga ng buong sambayanan.”

Source link