Sa Ala-ala ni Ka Fidel V. Agcaoili

Randall “Ka Randy” Echanis
Member, NDFP RWC-CASER

Ipinaabot ko ang aking taus-pusong pakikiramay at pagdadalamhati sa mahal na pamilya, mga kamag-anak, kaibigan at mga kasama sa pagpanaw ni Ka Fidel.

Matagal ko na ring kakilala si Ka Fidel at masasabi kong naging malapit kami bilang kasama sa pakikibaka at kaibigan.

Marami na akong nababalitan tungkol kay Ka Fidel noong panahon ng Martial Law bilang isa sa mga lider at aktibong nanguna sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga bilanggong pulitikal. Mahigit sampung taon siyang ipiniit ng pasistang diktadurang US-Marcos. Naging inspirasyon at halimbawa sa akin ang militanteng paglaban at kapasyahang lumaya ng mga bilanggong pulitikal.

Si Ka Fidel ang unang kumausap sa akin matapos akong lumaya pagkatapos ng EDSA 1. Bandang Abril 1986 nang kausapin niya ako para isaayos ang pagbabalik ko sa pangunahing agos ng pakikibaka at sa magiging gawain ko. Sa mga panahong ito ay nagkasama kami sa mga gawain sa SELDA at sa paghahanda sa pagbubuo ng Partido ng Bayan. Madaling makagaanan ng loob si Ka Fidel dahil malapit siya sa mga kasama at palabiro habang masipag at seryoso siya sa kanyang mga gawain.  

Mga taong 2000, muli kaming magkita at nagkasama ni Ka Fidel nang mapabilang ako sa Reciprocal Working Committee para sa CASER ng NDFP. Kabilang noon si Ka Fidel sa NDFP Negotiating Panel kaya madalas kaming magkasama sa mga gawain.  Naging malapit ako sa kanya laluna’t masipag siya sa pagtulong at pag-alalay sa aming komite na noo’y naghahanda sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. Madali namin siyang nalalapitan para sa kanyang mga opinyon at mungkahi sa pagpapabuti at pagpapaunlad sa draft ng NDFP-CASER at sa paglilinaw at pagbibigay ng updates sa itinatakbo ng usapang pangkapayapaan.  

Ka Fidel Agcaoili with author Ka Randall Echanis during a press conference in Davao City, Philippines



Sa mga panahon ng negosasyon ay matingkad ang kanyang kasipagan sa gawain at hindi napapagod sa pagbibigay ng tulong at gabay sa mga kasama. Malapit siya sa lahat ng mga kasama at maging sa GRP Negotiating Panel kung kaya tila nagsisilbi rin siyang “tulay” kapag may mga hindi napapagkasunduan at isinasaayos sa pagitan ng GRP at NDFP negotiating panels. Ang kanyang mahigpit na pagkapit sa prinsipyo at sa isang banda ay pleksibilidad sa mga lumilitaw na usapin ay kanyang naipamalas ng mahirang siyang tagapangulo ng NDFP Negotiating Panel.

Sa panahon ng mga usapang pangkapayapaan ay sa upisina ng NDFP ako tumutuloy at dito rin nakatira si Ka Fidel kaya madalas na nagkakasama kami at nakakakwentuhan sa mga gawain at maging sa buhay pamilya. Naging malapit rin ako sa kanyang pamilya. Dito ko lalong nakilala si Ka Fidel bilang isang responsable, seryoso at masipag na kasama, madaling lapitan, mahilig makipag-kwentuhan at palabiro. Sa katunayan, ang tawagan namin ay “brod” na aming biruan kaugnay sa  tawagang “brod” sa fraternity niya na Sigma Rho.   

Kapag umuuwi siya sa Pilipinas ay nakakasama ko din si Ka Fidel sa ilang mga pagtitipon tulad ng pagdalo sa mga peace forum at maging noong unang kausapin ng NDFP Negotiating Panel sa Davao si Duterte at napag-usapan ang ilang mahahalagang usapin sa muling pagbubukas ng peace talks tulad ng pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.  

Maraming dekada na ang buong puso at matapat na paglilingkod ni Ka Fidel sa rebolusyon at sa sambayanan. Sa mahabang panahon ay gumampan siya ng mga responsableng tungkulin at gawain bilang lider ng NDFP. Hindi rin matatawaran ang kanyang mga ambag sa gawaing internasyunal. Ito man ay sa pagbubuo ng relasyon at kapatiran sa ibang mga partido ng mamamayan at organisasyon at sa pagsasaayos ng ating gawain sa mga migranteng Pilipino. Mahalaga din ang kanyang naging gawain sa pagbubuo at pagpapalakas ng International League of People’s Struggles. Masasabing sa maraming liko’t ikot ng pakikibaka at sa mga tagumpay na nakamit ng kilusan ay naging bahagi si Ka Fidel at hindi matatawaran ang kanyang mga naging ambag.

Hindi natin malilimot si Ka Fidel. Hindi siya malilimutan ng sambayanang Pilipino.  Mananatiling maningning na halimbawa sa atin ang kanyang ala-ala at diwa ng isang komunista na aktibo, walang kapaguran at matibay ang pasiya na isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa tunay na kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Pulang Saludo at taas-kamaong pagpupugay sa iyo, Kasamang Fidel!

Hindi ka namin malilimot at mananatili ka sa aming mga puso at isipan!

Mabuhay si Kasamang Fidel V. Agcaoili!