Reklamo ng pang-aabuso sa mga bilanggong pulitikal sa Tacloban City, iniimbestigahan na

Ikinalugod ng mga grupo sa karapatang-tao at ng Free Tacloban 5 Network ang balita na sinimulan na ng Commission on Human Rights (CHR) at ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Region 8 ang imbestigasyon kaugnay ng naisampang reklamo ng pang-aabuso laban sa mga tauhan ng Tacloban City Jail noong Hulyo 16. Dalawang linggo na ang nakalipas bago kumilos ang mga ahensya ng gubyerno kaugnay ng reklamo.

Isinampa ng grupong Altermidya Network ang pormal na reklamo laban sa warden ng kulungan na si J/Insp Eva Naputo at kay SJ01 Dalmacio C. Canayog Jr., punong upisyal sa paniktik, sa BJMP National Headquarters, dahil sa mapang-abusong pagtrato sa mga bilanggo, partikular kina Frenchie Mae Cumpio at Mariel Domequil, mga bilanggong pulitikal.

Ayon sa reklamo, maraming beses na ipinabalam nang walang dahilan o hindi pinahihintulutan ni Naputo ang mga rekwes ng mga taga-midya o diplomatic community na bisitahin ang dalawa. Isa sa hindi pinahintulutang dumalawa si Dutch Deputy Ambassador Robert van der Hum noong Hunyo 26. Mahigpit rin ang pagbisita kahit ng mga kaanak.

Naitala rin ang mga insidente ng kawalang-aksyon ni Naputo sa mga rekwes ng mga bilanggo para sa tsek-ap at pagpapaayos sa sirang bubong ng dormitoryo. Samantala, hiwalay na reklamo ang isinampa laban kay Canayo nang pagbawalan niyang ibigay kina Cumpio at Domequil ang mga sulat na para sa kanila kung lagpas ang laman ng mga ito sa “karaniwang pagbati.” Nagpatupad din siya ng iba pang panggigipit sa dalawa.

“Bagamat napapansin namin ang ilang pag-usad sa pagpapailalim kina Warden Naputo at SJO1 Canayong sa imbestigasyon, kapansin-pansin din para sa amin na lumipas na ang dalawang linggo mula nang isampa ang reklamo at nananatili pa rin si Warden Naputo sa kanyang pusisyon sa Tacloban City Jail Female Dormitory (TCJFD),” anang network.

Ayon pa sa grupo, bawat araw na lumilipas ay nagdudulot ng mas matinding stress sa pamilya ng mga detenido ang pananatili ng mga upisyal sa pusisyon. Laluna, anila, at ipinailalim ng BJMP sa mas matinding pagbabantay sina Cumpio at Domequil matapos isampa ang reklamo.

“Mariin naming hinihikayat ang CHR at BJMP na magsagawa ng konkretong hakbang at maagap na pagkilos upang pangalagaan at unahin ang kapakanan ng lahat ng persons deprived of liberty,” ayon sa network.

Panawagan ng grupo ang agarang pagpapalipat kay Warden Naputo sa ibang pusisyon. “Sa pamamagitan lamang ng kanyang pag-alis ay makakaramdam tayo ng ginhawa at katiyakan,” pagtatapos nito.

Source link