Inianunsyo ng Commission on Elections (Comelec) noong Hunyo 18 ang pagkansela ng 2nd Division nito sa rehistro ng Duterte Youth Party-list bunsod ng kasong inihain laban sa kanila noong 2019. Matatandaang isinuspinde ng ahensya noong Mayo ang proklamasyon sa tatlong kinatawan ng Duterte Youth na makaupo sa House of Representatives dahil sa kaso.
“Anim na taon at tatlong eleksyon na ang lumipas, matagal na dapat itong ginawa,” pahayag ng Kabataan, Tayo Ang Pag-asa (KTAP), grupo ng mga kabataang nagbabantay sa eleksyon. Anito, inilalantad lamang ng pagkaantalang ito ang kabulukan ng pulitika sa halalan sa bansa.
Naniniwala ang grupo na hakbang pagkansela sa pagtatanggol sa demokrasya sa bansa.
Kinilala ng iba’t ibang demokratikong grupo at partido ang naging desisyon ng Comelec. Nagpahayag sila ng kahandaang patuloy na bantayan ang pag-usad ng kaso laluna at hindi pa pinal ang desisyon dahil maaari pang maghain apela o motion for reconsideration hinggil dito ang Duterte Youth. Posible ring umabot ito sa Korte Suprema.
Noong 2019, isinampa ng mga lider-kabataan ang petisyon para tanggalan ng rehistro ang Duterte Youth. Isinampa ang kasong diskwalipikasyon sa mga batayan ng (1) kawalan ng wastong rehistro bilang partido sa sistemang party-list sa Comelec, (2) kawalan ng pagtupad sa ilan pang ligal na rekisito para kilalanin bilang partido sa naturang sistema, (3) at mga kilos na nagpapakita na hindi nila kinakatawan ang kabataan tulad ng pagsubok na ipasok noong 2019 si dating National Youth Commission (NYC) Chairperson Ronald Cardema, sagadsaring tau-tauhan ni Duterte, na noo’y 34 taong gulang na. Itinakda sa mga alituntunin ng Comelec na ang maaring kumatawan sa kabataan ay yaong may edad 30-pababa lamang.
Dahil sa bagal ng Comelec na maglabas ng resolusyon sa petisyon, nagsampa ng “Motion to Resolve” ang KTAP noong Marso para kaagad na hatulan ng ahensya ang kasong diskwalipikasyon.
Samantala, isang bagong petisyon ang isinampa ng mga lider-kabataan sa Comelec noong Mayo 8 para ipakansela ang rehistro ng Duterte Youth dahil sa patung-patong at walang tigil na Red-tagging nito. Ayon sa petisyon, dapat tanggalan ng rehistro ang partido dahil sa pag-uugnay sa armadong reboolusyonaryong kilusan o Red-tagging nito sa mga progresibong kandidato sa senado at sa mga nominado ng party-list na labag sa Comelec Resolution 11116 at Supplemental Resolution No. 11127.
Nakatipon ng pitong pampublikong pahayag ng Red-taggng ni Ronald Cardema, tagapangulo ng Duterte Youth, ang mga nagpetisyon na inilabas mula Pebrero hanggang Abril, panahon ng kampanya. Wala pang tugon ang Comelec sa bagong petisyon na ito ng mga lider-kabataan.
Ayon sa KTAP, sa harap ng ganitong mga anomalya ay malinaw na kailangan ng sistema ng eleksyon sa bansa ng ganap na pagbabago. “[L]alo na sa representasyon ng party-list na lumihis na mula sa kanyang mandato sa konstitusyon na kumatawan sa mga mahihirap,” pahayag ng alyansa.
Paghimok nila sa Comelec, dapat maging batayan ang kaso laban sa Duterte Youth Party-list para ipagbawal ang mga grupo na iniikutan ang mga patakaran sa eleksyon at maling kinakatawan ang mga mahihirap na sektor para sa pansariling iteres. Dapat rin umanong harapin ng Comelec ang napakaraming ulat ng pandaraya sa eleksyong midterm 2025 na ginanap noong Mayo.