Rehimeng Marcos, may pananagutan sa pagkamatay ng mga manggagawa sa pagawaan ng bala sa Marikina—KMU

Kinundena ng Kilusang Mayo Uno (KMU), militanteng sentrong unyon, ang rehimeng US-Marcos sa patuloy nitong pagpapabaya sa kaligtasan ng mga manggagawa sa mga lugar ng pagawaan kaugnay sa pagkamatay ng dalawang manggagawa at pagkasugat ng isa pa sa isang pagsabog sa Armscor Global Defense Inc noong Hulyo 7. Ang pabrika, na nakabase sa Barangay Fortune, Marikina, ay isang pagawaan ng bala. Kontrakwal sa naturang kumpanya ang tatlong kaswalti.

Sa paunang imbestigasyon sa insidente, sinasabing nagmula ang pagsabog sa pagkakasindi ng kemikal na “primer” na posibleng dulot ng static friction. Naunang naiulat na isa sa mga manggagawa ang nawalan ng dalawang kamay, habang ang isa naman ay napinsala sa dibdib, at ang ikatlo ay tinamaan sa mata. Makalipas nito, naiulat ang pagkamatay ng dalawa sa mga biktima sa ospital.

“Kriminal ang pagsasangkalan sa buhay ng mga manggagawa kapalit ng tubo ng mga kapitalista,” pahayag ng KMU. Napahayag ito ng suporta sa panawagan ng pamilya ng mga biktima para sa hustisya.

Ayon sa Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD), hindi ito ang unang kaso ng ganoong tipo ng insidente sa pagawaan. Noong Pebrero 2024, nagdulot ng sunog ang isang pagsabog sa pagawaan na nagresulta sa pagkasunog at sugat ng maraming manggagawa. “Ang paulit-ulit na paglitaw ng mga ganitong insidente ay nagdudulot ng seryosong pag-aalala tungkol sa pagsunod ng kumpanya sa mga pamantayan ng Occupational Health and Safety (OSH) at mga hakbang sa pag-iwas,” ayon sa IOHSAD.

Dahil dito, seryosong ipinanawagan ng KMU at IOHSAD ang imbestigasyon ng Department of Labor and Employment sa pabrika para malaman kung sumusunod ang Armscor sa mga pamantayan ng OSH. “At mapanagot sila kung mapatunayang nilabag nila ang mga ito,” ayon sa KMU.

Pagdidiin ng IOHSAD, hindi dapat gawing normal ang pagkakalantad sa mga nakamamatay na panganib, lalo na sa mga mapanganib na industriya tulad ng paggawa ng armas at bala. “Mas malaki ang responsibilidad ng mga kumpanya sa mga sektor na ito na pangalagaan ang buhay, kalusugan, at kaligtasan ng kanilang mga manggagawa,” ayon sa grupo.

Mula Enero ngayong taon, naitala ng IOHSAD ang hindi bababa sa 151 kaso ng pagkamatay ng mga manggagawa sa loob ng kanilang pagawaan o lugar ng trabaho. “Malungkot na sinasalamin nito ang sistemikong kapabayaan sa kaligtasan ng mga manggagawa,” anang grupo.

Kaugnay nito, ibiniahagi ng KMU at IOHSAD na lalo nitong pinatitibay ang mga baatayan para itulak ang pag-amyenda at pagpapatibay sa kasalukyang batas sa OSH para lagyan ito ng pangil sa pamamagitan ng kriminalisasyon sa malubhang paglabag sa OSH, lalo na ang mga nagreresulta sa pagkamatay ng mga manggagawa.

Source link