Red-tagging ng NTF-Elcac sa Gabriela, kinundena ng kababaihan

Nagprotesta sa harap ng ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa Quezon City ang grupo ng kababaihan sa pangunguna ng Gabriela Womens’ Party (GWP) noong Hunyo 16 upang kundenahin ang walang pakundangang red-tagging, panggigipit, at sistematikong pampulitikang pang-uusig na nararanasan ng mga progresibong kababaihan.

“Hindi lang ito simpleng paninira, isa itong sistematikong atake para takutin, patahimikin, at pigilan ang mamamayan na lumahok sa demokratikong proseso. Sa halip na protektahan ang kababaihan, ang gubyerno mismo ang nangunguna sa pananakot,” pahayag ni Arlene Brosas, kinatawan ng GWP.

Matatandaang mula nang ipinatupad ng rehimeng US-Marcos ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) sa pamamagitan ng Memorandum Circular 83 noong Mayo ay mas tumindi at naging garapalan ang pangrered-tag ng NTF-Elcac sa mga progresibong organisasyon at mga partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan.

“Hindi lang Gabriela ang pinatatahimik nila. …tinatarget din nila ang mga ordinaryong mamamayan tulad ng mga nanay, magsasaka, manggagawa, kabataan—na lumalaban para sa karapatan,” dagdag ni Sarah Elago, pangalawang tagapangulo ng GWP.

Noong Hunyo 4, tinangkang buhayin ng NTF-Elcac ang kasong diskwalipikasyon sa GWP at suspensyon sa pagproklama sa Kabataan Party-list na hinain nito sa Commission on Elections noong 2021 at 2019.

Tinawag ng Gabriela ang pagtatangkang ito na “walang basehan at malisyosong atake, pag-aarmas sa Red-tagging, pagkakalat ng maling impormasyon at pag-iimbento ng mga kaso para patahimikin ang mga kritiko ng estado.”

Ayon sa grupo, ang tangkang buhayin ang petisyon para sa diskwalipikasyon laban sa GWP ay pagpapakita ng desperasyon. “Isa lamang itong gawa-gawang kaso na binuo mula sa kasinungalingan, mali-maling testimonya, bayarang saksi na inabot na ng anim na taon. Matagal na dapat itong ibinasura ng Comelec,” anito.

Nanawagan ang grupo na buwagin na ang NTF-Elcac at ang bilyun-bilyong confidential at intelligence funds na nakalagak sa mga ahensya ng gubyerno.

“Ginagamit lamang (ito) sa paniniktik at Red-tagging. Dapat ilaan na lang ito sa batayang serbisyo para sa mamamayan!” pahayag nito.

Source link