PRWC » Proyektong SCMB Railway at LEC, magsisilbi sa interes ng imperyalismong US

Pinirmahan noong Hunyo 26 ng rehimeng Marcos at ng US Trade and Development Agency (USTDA), ang kasunduan para sa pagpapautang ng gubyernong US ng $3.8 milyon para sa paunang pananaliksik at pag-aaral sa proyektong Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Railway. Layunin ng proyekto na maglatag ng sistema ng riles para sa transportasyon ng mga kalakal para bawasan diumano ang pagsisiksikan sa daungan ng Maynila.

Sa habang 250 kilometro, pagdudugtungin ng SCMB Railway ang Subic at Clark, tagos sa National Capital Region hanggang sa daungan ng Batangas. Batay sa plano ng USTDA, magsisimula sa 2027-2028 ang konstruksyon ng bahagi ng Subic-Clark, at sa 2028-2029 ang konstruksyon ng bahagi ng Clark-Manila-Batangas. Target nitong simulan ang operasyon ng riles sa maagang bahagi ng 2030. Tinatayang aabutin ng $3.2 bilyon ang halaga ng buong proyekto.

Unang inilako ng rehimeng Duterte ang proyektong riles sa pagitan ng Subic at Clark sa gubyerno ng China noong 2016. Nangako ang China noong 2018 na popondohan ito subalit binawi ito noong 2022. Sa pag-upo ng rehimeng Marcos sa poder, muli itong binuhay at pinahaba hanggang Batangas sa udyok ng US.

Ipinailalim ang proyektong ito sa tinaguriang Luzon Economic Corridor (LEC), isang trilateral na programa sa pagitan ng US, Pilipinas, at Japan na naglalayong pabilisin ang pagtatambak ng kanilang kapital, tauhan at gamit sa anyo ng mga proyektong imprastruktura sa renewable energy, daungan, paliparan, tulay at daan. Ang LEC ang unang proyekto ng Partnership for Global Infrastructure and Investment ng US at susing bahagi ng estratehiya nito sa Indo-Pacific laban sa China, partikular kontra sa Belt and Road Initiative nito.

Liban sa SCMB Railway, ipinailalim rin sa LEC ang 27 iba pang proyektong imprasktrukura kabilang ang pagpapalawak ng Clark International Airport, Bataan-Cavite Interlink Bridge, Subic Bay (Redondo-Ilanin) Bridge, Central Luzon Link Expressway, North Luzon East Expressway, Laguna Lakeshore Road Network Development, Kalaanan Irrigation Project, North-South Commuter Railway, New Clark City Extension Railway at Southern Batangas Airport.

Ang SCMB Railway at iba pang imprastruktura ay itatayo para sa gamit ng mga dayuhang kumpanya, tulad ng mga kumpanyang Amerikano sa pagmamanupaktura at baterya na gustong makinabang sa mayayamang rekurso ng nickel, cobalt, copper at bauxite ng Pilipinas.

Target ng US, katuwang ang Japan at mga bansang NATO, na magtambak ng hanggang $100 bilyong kapital sa susunod na 10 taon. Kalakhan ng pondong ito ay mag-aanyong utang at pribadong kapital, na ililigtas sa pagbubuwis at walang direktang ugnayan sa lokal na ekonomya.

Kasabay sa mga layunin nito sa ekonomya, ang SCMB Railway at ang ibang proyekto sa ilalim ng LEC ay may malinaw na layuning militar at heyopulitikal. Pagdudugtungin ng SCMB Railway at ng network ng mga tulay at daan ang malalaking “EDCA site” o mga base militar ng US sa Luzon, at padudulasin ang paglilipat-lipat ng mga sandata, tauhan at sasakyang militar sa mga ito. Padudulasin din nito ang transportasyong militar sa iba pang bahagi ng Luzon. Samantala, ang pagpapalapad sa paliparan sa Clark ay magsisilbi sa mga eroplanong pandigma ng US, na ngayon ay may malalawak nang hangar at paradahan sa katabing Basa International Airport.

Lalong malinaw ang layuning militar ng LEC sa kamakailang anunsyo ng Kongreso ng US na planong pagtatayo ng pabrika ng bala sa loob ng Subic. Bago nito, umupa na ng malaking bodega ang US sa Subic para ipwesto ang gamit-militar na kunwa’y bahagi ng paghahanda sa mga sakuna.

Lampas sa Pilipinas, bahagi ang LEC sa mas malawak na estratehiya ng US para pigilan ang lumalawak na impluwensya ng China sa Southeast Asia. Bagamat nananatiling dominante ang pamumuhunan ng US sa rehiyon, maraming bansa dito ang mas tumatangkilik sa pamumuhunan ng China para sa malalaking proyekto sa imprastruktura, pagmamanupaktura at pagmimina, at sa gayon ay hindi nagsasara sa heyopulitikal na mga layunin nito. Hindi katulad ng Pilipinas, umiiwas ang mga bansa sa ASEAN na matali sa ekslusibong alyansang militar sa US.

Source link