Nagpiket ang mga grupong pambansa-demokratiko sa Iloilo City sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Panay noong Hulyo 22 para batikusin ang panibagong serye ng pagtaas ng presyo ng langis. Nagpatupad ng ₱0.40/litrong pagtaas sa gasolina, ₱1.10/litro sa diesel at ₱0.70/litro sa koresin ang mga ganid na kumpanya sa langis sa araw na iyon.
Kabilang sa mga kumpanyang nagpatupad nito ang Flying V, Petron Corp., Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. Katulad na pagtaas rin ang ipinatupad ng Cleanfuel, Petro Gazz Ventures Philippines Corp. at PTT Philippines Corp sa mga produktong gasolina at diesel.
Matapos ipatupad ang dagdag-presyo, umabot na sa netong ₱9.40/litro ang itinaas ng gasolina, ₱12.45/litro sa diesel at ₱2.55/litro sa kerosin mula noong Enero 2025.
Ayon sa Bayan-Panay, sa pag-aalam nila noong Hulyo 21 bago ipataw ang pagtaas ay umabot na sa ₱54.7/litro ang gasolina, ₱54.7-56.69 ang diesel sa Iloilo City. Samantala, nasa abereyds na ₱78.65/litro ang presyo ng kerosin sa syudad.
Para sa grupo, ang pagtataas ng presyo ng langis ay hindi makatarungan at layunin lamang na higit pang pigain ang naghihirap nang mamamayan. “Ang mga pagtaas na ito ay hindi batay sa aktwal na kakulangan sa pandaigdigang suplay,” pahayag ni Elmer Forro, pangkalahatang kalihim ng Bayan-Panay.
Aniya, ang pagtaas na ito ay pawang ispekulatibo, itinutulak ng kagustuhan ng mga korporasyon na kumita, na pinahihintulutan ng batas ng gubyerno at mga ahensya ng rehimeng Marcos. Dagdag pa Forro, matagal nang dapat ibinasura ang Oil Deregulation Law of 1998 na tinanggalan ng kapangyarihan ang gubyerno na kontrolin ang presyo ng langis at ibinigay ang buong kapangyarihan sa lokal at dayuhang mga kartel sa langis na itakda ang presyo.
Paliwanag ni Forro, liban pa sa batas sa deregulasyon ay umiiral din ang mga batas na nagpapataw ng mas mabibigat pang buwis sa mga produkto tulad ng langis. Kabilang umano dito ang TRAIN Law ng dating rehimeng Duterte at ang 12% Value Added Tax (VAT).
“Tinitiyak ng dobleng pasakit na kahit bumaba ang presyo sa pandaigdigang merkado, nananatiling artipisyal na mataas ang presyo sa mga gasolinahan dahil sa mga nakatakdang buwis na ipinataw ng gubyerno,” ayon pa kay Forro.
Kaugnay nito, nanawagan si Forro na ibasura ang mga buwis na ito at singilin ang mga ganid na kumpanya sa langis at papanagutin ang gubyerno sa deregulasyon sa presyo. “Tama na, sobra na! Hindi na dapat pasanin ng Pilipinong konsyumer ang pahirap ng ispekulatibong pagpipresyo ng langis at matakaw na pagbubuwis,” pahayag niya.
Ang protesta ng Bayan-Panay sa Iloilo City ay bahagi rin ng paghahanda nila sa mas malaking demonstrasyon sa Hulyo 28, araw ng ika-apat na state of the nation address ni Ferdinand Marcos Jr. Layunin ng protestang kontra-SONA o SONA ng bayan na ilantad ang pahirap, korap, papet, at pasistang rehimeng Marcos. Ilulunsad ang mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng bansa pamumuno ng Bayan.