Protesta kontra nakaiinsultong ₱50 dagdag sahod sa NCR, isinagawa sa DOLE

Tumungo sa upisina ng Department of Labor and Employment (Dole) sa Maynila at nagprotesta ang mga manggagawa, unyon at pederasyong bahagi ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong Hulyo 18 para batikusin ang nakaiinsultong ₱50 dagdag sahod sa National Capital Region. Sinimulan sa araw na iyon ang pagpapatupad sa rehiyon ng barya-baryang dagdag sahod na inaprubahan ng Regional Wage Board (RWB).

“Ang ₱50 dagdag ay hindi lamang labis na kulang—ito ay sadyang pagtakwil sa batayang karapatan ng manggagawa na mabuhay nang may dignidad,” pahayag sa English ni Charlie Arevalo, tagapagsalita ng UWIN. Dagdag pa niya, malinaw na ipinapakita nito na mas pinapaboran ng rehimeng Marcos ang mga mayayamang negosyante at burukrata kaysa kapakanan ng milyun-milyong naghihirap na manggagawa.

Binigyang-diin ng UWIN na matapos patayin ng rehimeng Marcos at ng mga burukratang kapitalista ang panukalang ₱200 dagdag-sahod sa Kongreso, muli nitong kinasangkapan ang RWB para magpataw ng barya-baryang dagdag at panatilihing supil ang sahod. Naisasagawa ito ng estado sa bisa ng Republic Act 6727 o Wage Rationalization Act.

Paliwanag pa ni Arevalo, “pinagkakaitan ng estado ng kakayahan ang mamamayan na makabili ng batayang pangangailangan, dahilan upang bumagal ang takbo ng ekonomiya.” Muling nanawagan ang grupo para sa ₱1,200 nakabubuhay na sahod sa buong bansa.

Batay sa pananaliksik ng Ibon Foundation, ang pagbibigay ng ₱1,200 nakabubuhay na sahod ay nangangailangan lamang ng 36.4% ng kita ng malalaking negosyo, 29.7% para sa katamtamang-laking negosyo, 42.2% para sa maliliit, at 48.1% para sa micro enterprises. Pinabubulaanan nito ang mito na malulugi ang mga kumpanya kung magpapatupad ng makabuluhang dagdag sahod.

Kasabay ng panawagan ng UWIN para sa makabuluhang dagdag sahod ay iginiit rin nila ang pagrolbak sa presyo ng mga batayang produkto at serbisyong publiko.

Source link